Laking gulat ng isang babaeng pulis nang pumutok ang hawak niyang baril na inakala niyang "taser" gun lang habang inaaresto nila ang isang lalaki sa Minnesota, USA. Ang lalaki, namatay.
Sa video ng GMA News Feed, kinilala ang nasawing lalaki na si Daunte Wright, 28-anyos, isang African-American.
Una rito, pinahinto ng mga pulis ang sasakyang ni Wright dahil sa traffic violation.
Pero nang suriin ng mga pulis ang background niya, natuklasan na may nakabinbing warrant of arrest si Wright kaya kailangan nilang arestuhin.
Nang lalagyan na ng posas ang lalaki, bigla itong pumalag at bumalik sa sasakyan. Doon na siya pilit na pinapababa ng mga pulis at tinutukan ng "taser gun" na tunay na baril pala.
Sa video, madidinig ang boses ng pulis na nagbababala kay Wright na iti-tase siya. At hindi nagtagal, pumutok ang baril.
Madidinig din sa video ang tila pagkagulat ng pulis na nabaril niya si Wright na nagawang makaalis sakay ng kotse.
Pero hindi naman nagtagal, bumangga na si Wright at namatay.
Hindi sinabi kung anong kaso ang kinakaharap ni Wright kaugnay sa warrant na inilabas sa kaniya.
Tiniyak naman ng Brooklyn Center Police, na magiging patas ang kanilang imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Itinuturing ng pulisya na aksidente ang nangyaring pagkakabaril kay Wright dahil inakala ng pulis na taser gun ang kaniyang nabunot at hindi ang tunay na baril.
Nais naman ni Brooklyn Park Mayor Mike Elliott, na matanggal sa serbisyo ang pulis na nakabaril kay Wright.
Kasunod nang insidente, nagprotesta ang mga tao at nasa 200 sa kanila ang nagtungo sa himpilan ng pulisya.
Napilitan naman ang pulisya na magpaputok ng mga tear gas at rubber bullets para itaboy sila.--FRJ, GMA News