Huwag tayong magpaggamit para ipalaganap ang kasinungalingan at takpan ang katotohanan (Mateo 28:8-15).

MARAMING tao ngayon ang mas nalalabuan at nalilito sa mga kaganapan sa ating lipunan at sa mundo dahil sa palasak na kasinungalingan o maling impormasyon para maitago ang katotohanan.

Kaya naman sa halip na maging malinaw para sa kanila ang isang isyu, lalo itong nagiging magulo at komplikado.

Matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Mateo 28:8-15) ang pag-iral ng "fake news" kahit noong kapanahunan ng ating Panginoong  HesuKristo nang muli Siyang mabuhay.

Nasaksihan ni Maria Magdalena ang katotohanang ito nang puntahan niya ang kuwebang pinaglibingan kay Kristo at wala doon ang Kaniyang bangkay. Ang tanging nakita na lamang niya ay ang telang ipinambalot sa katawan ni Hesus.

Papunta na sana si Maria sa mga kasama niyang Alagad upang ibalita ang pangyayari nang masalubong niya sa daan si Hesus. Sinabihan ng Panginoon si Maria na sabihin niya sa mga kasamahan niyang Disipolo na pumunta sila sa Galilea at doo'y makikita Siyang muli.

Subalit ang katotohanan sa muling pagkabuhay ni Hesus ay tinangkang pagtakpan ng mga Punong Pari at mga pinuno ng bayan. Matapos nilang suhulan nang malaki ang mga kawal na nagbabantay sa libingan ni Hesus para ilihim kung ano ang totoo at ipalaganap naman ang kasinungalingan.
.
Inutusan ng mga Punong Pari at mga pinuno ng bayan ang mga kawal na ipamalita sa mga tao na ninakaw ng mga  Alagad ni Hesus ang Kaniyang bangkay habang sila ay natutulog.

Batid ng mga Punong Pari, mga pinuno ng bayan, lalo na ang mga pangunahing kritiko ni Hesus na mga Pariseo at Saduseo, na mapapahiya sila sa mga tao kapag lumabas ang katotohanan sa muling pagkabuhay ni Hesus.

Malalaman ng lahat na totoo pala ang mga ipinapahayag ni Kristo na kanilang ipinapatay. Kaya gagawin nila ang lahat para maitago ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbusal sa bibig ng mga kawal kapalit ng malaking pera; bagay na nangyayari din sa kasalukuyang panahon.

May mga tao ngayon na gumagawa ng paraan upang ikubli ang katotohanan ng iba't ibang usapin. Gumagawa sila ng paraan at gumagamit ng impluwensiya o salapi, kahit pananakot upang protektahan ang kanilang sariling interes at katotohanan.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na hindi tayo dapat matakot na ilantad ang katotohan dahil ayon nga kay Hesus, "Ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa atin" (Juan 8:32).

Huwag tayong tumulad sa mga kawal na imbis na maging instrumento ng katotohanan ay nagpagamit sila para ikalat ang kasinungalingan at maling balita.

Manalangin Tayo: Panginoon, tulungan Niyo po kami na maging intrumento ng katotohanan. Palakasin po Ninyo ang aming  loob at alisin ang pangamba upang maihayag namin ang katotohan dahil ito ang tunay na magpapalaya sa amin. Amen.

--FRJ, GMA News