Tinanggal na sa puwesto ang hepe ng General Trias Police sa Cavite kasunod ng pagkamatay ng isang curfew violator. Sa kabila ng pagtanggi ng hepe na pinapagawan nila ng physical exercise ang mga lumalabag sa curfew, kinumpirma naman ito ng dalawa pang nahuli rin dahil sa curfew.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules, nakasaad sa sinumpaang salaysay ng dalawang lumabag sa curfew at quarantine restriction, na pinagawan sila ng knee bender exercises bilang parusa.
Taliwas ito sa sinabi ng sinibak sa puwesto na si Police Lieutenant Colonel Marlo Solero, na community service lang tulad ng paglilinis at pamumulot ng basura sa harap ng munisipyo o police station ang ipinapagawa sa mga violator.
“Cavite PPO has relieved the COP of Gen Trias after finding out that 2 of the quarantine violators executed sworn affidavits that they indeed were made to do physical exercises (knee bender) by two GT policemen earlier relieved pending the investigation,” ayon sa PNP.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Ildebrandi Usana, na inilagay si Solero at ang dalawa niyang pulis (na sina Police Corporal Jerome Vibar at Police Corporal Kenneth Mercene) sa pamamahala ni Cavite Police provincial director Police Colonel Marlon Santos.
Ayon kay Usana, inalam ni Santos ang impormasyon ng mga testigo tungkol sa naturang parusa na maaari umanong naging dahilan ng pagkamatay ng biktimang si Darren Peñaredondo.
Sa death certificate, stroke at problema sa puso ang ikinamatay ni Peñaredondo.
Ayon sa maybahay ni Peñaredondo, umuwi ang kaniyang mister noong Biyernes ng umaga matapos arestuhin noong Huwebes ng gabi, na hirap nang makalakad matapos umano silang parusahan ng mga pulis ng pumping squat na umabot ng 300 ulit.
Sinabi ng ginang na mayroong kondisyon sa puso ang kaniyang mister kaya hindi nararapat na bigyan ng mahirap na physical exercise.
Patuloy naman na iniimbestigahan ng Cavite Provincial Police Office ang pangyayari.
“This is to also assure that the PNP does not tolerate any act that is inimical to the best interest of our people, particularly the aggrieved parties in the Peñaredondo case,” pagtiyak ni Usana.
Nilinaw din ng opisyal na walang masama sa physical exercises pero maaari itong magdulot ng masamang epekto sa taong mayroong medical history o problema sa kalusugan.
Napag-alaman na lumabas lang ng bahay si Peñaredondo kahit umiiral na ang curfew para bumili ng tubig.
Ayon naman sa barangay tanod na umaresto kay Peñaredondo at nagdala sa presinto, walang fask mask at bote umano softdrinks ang dala nito.
Bukod kay Peñaredondo, may anim na iba pang lumabag sa curfew ang pinarusahan umano ng exercise ng mga pulis.
Pag-uwi ng bahay noong Biyernes, halos hindi na makalakad si Peñaredondo hanggang sa mawalan na ng malay kaya dinala sa ospital, kung saan siya pumanaw kinabukasan, Sabado. --FRJ, GMA News