May panibagong uri ng mga kakaibang bulate ang nakita sa baybayin ng isang barangay sa San Juan, Ilocos Sur, na katabi ng bayan ng Cabugao kung saan unang nakita ang sangkaterbang uri ng misteryosong mga bulate.


Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing ang mga bagong bulate ay nakita sa Barangay Saoang sa San Juan, na hindi kalayuan sa Barangay Sabang sa Cabugao, na unang nakita ang mga bulate noong nakaraang linggo.

Pero kumpara sa mga bulateng nakita sa Sabang, mas maliit ang mga bulate na nakita sa Saoang na nasa isang pulgada lang ang haba.

Ang residenteng si Cresensio Viloria na nakatira malapit sa baybayin ang nakapansin umano sa mga bulate na nagkukumpulan sa isang bahagi ng dagat.

Pero nang magsimula na raw mag-low tide o bumaba ang tubig, unti-unting namatay ang mga bulate at naging malansa ang amoy.

Ayon kay Romel Hilario, kumuha na ng sample ng bulate ang agriculturist department ng San Juan para sa gagawing pagsusuri.

Pinawi naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Region 1, ang pangamba ng publiko sa paglabas ng mga bulate.

Natural lang daw na pangyayari ito sa life cycle ng mga bulate na kung tawagin ay polychaetes. Nauna na raw itong pinag-aralan ng National Fisheries Research and Development Institute sa baybayin ng Ilocos Sur at Pangasinan.

"Dahil sa kanilang reproduction, nagkukumpulan sila dahil nagre-reproduce sila or nagbi-breed. Ngayon kasi ang breeding season nila. They externally shed yung fertized egg nila sa environment and then aalis na sila doon," paliwanag ni Rosario Gaerlan, Rregional Director, BFAR Region 1.

Ang bulate na nakita sa Cabugao, kinakain daw ng mga isda, alimango at hipon.--FRJ, GMA News