Mistulang "walang iwanan" ang naging motto ng mga duktor at nurse sa isang ospital sa Russia dahil hindi sila umalis at hindi nila iniwan ang pasyente na kanilang inooperahan sa puso kahit nasusunog na ang bubungan ng pagamutan.
Sa ulat ng Reuters, tinutupok na ng apoy ang bubungan ng isang ospital sa Blagoveshchensk pero hindi pa rin tumigil ang grupo ng nasa walong duktor at nurses sa kanilang ginagawang operasyon.
Ang mga bumbero, gumamit ng mga bintilador para maalis ang usok sa operating room at naglagay ng kable para hindi mawalan ng kuryente ang mga duktor.
Pagkaraan ng dalawang oras, natapos na ang operasyon at inilipat na ng lugar ang pasyente at lumabas na ang mga duktor at nurse, ayon sa emergencies ministry.
Tumagal din ng dalawang oras bago naapula ang sunog.
"There's nothing else we could do. We had to save the person. We did everything at the highest level," binanggit umano ng surgeon na si Valentin Filatov sa REN TV.
Heart by-pass operation umano ang ginawa sa pasyente.
Ayon sa ministry, 128 katao ang kaagad na inilikas mula sa ospital nang masunog ang bubungan nito.
"The clinic was built more than a century ago, in 1907, and the fire spread like lightning through the wooden ceilings of the roof," pahayag ng ministry.
Wala namang nasaktan sa naturang insidente.
"A bow to the medics and firefighters," ayon kay Vasiliy Orlov, regional governor. -- Reuters/FRJ, GMA News