Matapos magkabati dahil sa hindi nila pagkakaunawaan, nag-bonding sina Aiko Melendez at Maricar de Mesa sa vlog ni Aiko, kung saan sinagot ni Maricar ang tanong kung bakit siya "crush" noon ng mga basketball player.

Kumasa ang dalawa sa "Never have I ever" challenge kung saan parehong umamin sina Maricar at Aiko na nakipag-date na sila para may pagselosin.

"Kasi hindi naman ako masyado sa celebrities 'di ba. 'Yung mga players, 'yung mga basketball players, [nanliligaw] sila sa akin noong araw," sabi ni Maricar.

Dahil dito, na-curious si Aiko kaya niya tinanong ang aktres, "Bakit type na type ka ng basketball players?"

"Hindi ko rin alam. Tanungin mo kay Don Allado," pabirong sagot ni Maricar.

Matatandaang naghiwalay sina Maricar at Don noong 2014 matapos ang 11 taon na pagsasama.

Natanong naman ni Aiko kung "happy" o may dini-date ngayon si Maricar.

"Kasi ang ganda mo eh. As in blooming ka ngayon. So that means you're happy and it shows in your eyes," komento ni Aiko kay Maricar.

Gayunman, umiwas sa pagsagot si Maricar.

Komento naman ni Aiko, "Maybe I know you too well. I know you when you're lying and when you're not lying."

"Nararamdaman mo ako?" pagtanong ni Maricar.

"Yes. Kaya alam kong in love siya. Kahit ayaw niyang aminin kung kanino, pero kukulitin ko siya mamaya sa text after this episode," biro ni Aiko.--FRJ, GMA News