Isang batang lalaki na apat na taong gulang sa Baybay, Leyte ang nasawi matapos bumara sa kaniyang lalamunan ang nalunok na jelly candy.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing sinubukan ng lolo ng bata na dukutin ang kendi sa lalamunan ng apo pero nabigo siya.
Kaya naman isinugod na nila sa ospital ang bata pero hindi raw kaagad nabigyan ng atensiyong medikal dahil walang duktor.
Inilipat sa ibang ospital ang bata pero mahigit isang oras pa raw ang hinintay bago dumating ang ambulasiya.
Nang dumating naman sa ikalawang ospital, kinailangang ipa-swab test ang bata bilang bahagi ng protocol.
Ayon sa eksperto, maaring isinagawa ang heimlich maneuver o pagtulak pataas ng tiyan ng isang taong mabilaukan o may bumara sa lalamunan. --FRJ, GMA News