Kahit patay na ang pulis ang nakita sa viral video na naglagay ng baril sa isang napatay na umano'y nanlaban na drug suspek, ipagpapatuloy pa rin ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang imbestigasyon sa naturang insidente.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GTV “State of the Nation” nitong Miyerkules, sinabi ni PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, na rerepasuhin nilang mabuti ang video sa nangyaring umano'y pagtatanim ng baril sa napatay na suspek sa Valencia, Bukidnon.
“Titingnan natin kung may kuha pa na iba. Especially, kung sino kumuha niyan o baka may mga iba pa siyang kuha,” ani Triambulo.
Sa naturang video, makikita ang pulis na kinilalang Corporal Benzon Gonzales na tatlong beses na ipinutok ang baril sa ere bago inilagay sa bangkay ng drug suspect na si Pol Estañol.
Nangyari ang insidente noong Pebrero 20, pero pagkalipas lang ng ilang araw ay nasawi naman umano sa aksidente si Gonzales.
WATCH: Pulis, nahuli-cam na inilagay sa tabi ng napatay na umano'y drug suspect ang ipinutok na baril
Dahil patay na si Gonzales, sinabi ng IAS na iimbestigahan nila ang mga kasama sa naturang operasyon at ang kanilang hepe.
Pananagutin umano ang mga ito kapag napatunayang nagkasala.
“Mayroon naman siyang kasama, mayroon naman tayong tinatawag na conspiracy. So kaya tuloy po ‘yung kaso, kaya tuloy po ‘yung investigation. At kung may alam po itong kaniyang mga commanders para maisama po natin sa pagsampa ng kaso,” ayon kay Triambulo.
Nagsasagawa rin ng imbestigasyon ang National Police Commission sa naturang pangyayari.
Sa pagsusuri ng National Police Commission, lumilitaw na walang masamang record si Gonzales.
Ngunit ayon kay Atty. Chito Noel Bustonera, acting service chief of the Legal Affairs Service, hindi nakatutulong sa imahe ng pulisya ang naturang insidente.
“Hindi maganda sa imahe ng pulis kung mayroon pong mga ganiyang klase ng video na nakikita na mayroong kakulangan sa ating officers of the PNP,” ani Bustonera.
Samantala, hiniling naman ni Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite sa Kamara de Representantes na imbestigahan din ang umano'y "tanim-baril."
“Mukhang kasama na talaga sa standard operating procedures ng mga police operations itong pamemeke ng shootout upang palabasing nanlaban ang mga biktima ng extrajudicial killings,” anang kongresista.--FRJ, GMA News