Kaya mo bang iwan ang kasaganahan ng iyong buhay para lamang sumunod kay Hesus? (Mt. 8:18-22).
DUMADANAS din ng mga mabibigat na pagsubok at suliranin sa buhay ang mga tao kahit pa gaano karami ang kanilang kayamanan at salapi. At ang masaklap na katotohanan, hindi sila matutulungan ng materyal na bagay kahit gaano pa kalaki ang halaga. Dahil ang tanging makatutulong sa kanila ay ang Panginoong Diyos.
Mababasa natin sa Mabuting Balita (Mateo 8:18-22) na isang Tagapagturo ng Kautusan o Eskriba ang lumapit kay Hesus at nagsabing: "Guro, sasama po ako sa Inyo saan man Kayo pumaroon."
Ngunit winika ni Hesus na: "Ang mga asong-gubat ay may mga yungib, ang mga ibon naman sa himpapawid ay may mga pugad. Subalit ang Anak ng tao ay wala man lamang mapaghiligan ng kaniyang ulo."
Ang mga Eskriba ay mga taong nakaririwasa dahil sa kanilang katungkulan at karunungan. Maayos ang kanilang tirahan, magagara ang kasuotan at tinitingala sa lipunan.
Sa kasalukuyang panahon, may mga tao rin na nasa kanila na ang lahat pero nakararamdam pa rin sila ng kakulangan sa kanilang buhay. Naghahanap sila ng kaligayahan na hindi nila malaman kung saan matatagpuan.
Wala sa luho, mga materyal na bagay at kayamanan ang kaligayan, ito ay nasa kapanatagan ng puso at isipan.
Marahil ay naghahanap din ng kapanatagan ng isip ng lalaking Eskriba at handa niyang iwan ang lahat para sumunod kay Hesus.
Ngunit ilan kaya sa atin sa panahong ito ang handa rin talikuran ang kasaganahan ng buhay para sumunod sa mga kagustuhan ng Panginoon upang makamit ang kayamanan sa Langit na buhay na walang hanggan?
Maraming beses na tayong nakaranig ng mga pahayag mula sa mga kilala at mayayamang tao na nagpapatotoo na walang halaga ang salapi sa oras ng matinding mga pagsubok sa buhay. Sa huli, tulad ng mga maralita, sa Panginoon Diyos na lamang sila kumakapit at ipinapaubaya ang kalutasan ng kanilang suliranin.
Kahit angkinin at ariin man ng isang tao ang lahat ng yaman sa lupa, darating ang pagkakataon na makararamdam siya ng pangungulila at kalungkutan. Ang iba nga sa kanila, hindi na kinakaya ang mga problema sa kabila ng kanilang yaman at pinipiling wakasan ang sariling buhay.
Hindi ang materyal na bagay ang kasagutan sa pagkauhaw ng ating kaluluwa kung hindi ang Panginoon lamang. Siya ang makapagbibigay ng kasagutan sa ating mabigat na nararamdaman basta tumawag lang tayo sa Kaniya.
Mababasa din natin sa kuwentong ito ang paanyaya ni Hesus sa dalawa pang lalaki na sumunod sa kaniya. Subalit hindi kagaya ng Eskriba, nagbigay ng kaniya-kaniyang dahilan ang ang dalawang lalaki.
Patunay na hindi lahat ay handang iwan ang kanilang ari-arian sa lupa para sumunod sa ating Panginoon tungo sa buhay na walang hanggan.
Manalangin Tayo: Panginoon namin, nawa'y sa oras ng aming pangungililala at pagkauhaw ay Ikaw ang aming lapitan upang mahanap namin ang kapayapaan ng puso. Ipaalala Niyo po sa amin na ang mga materyal na bagay ay nagbibigay lamang ng panandaliang kaligayahan sa mundong ito. AMEN.
--FRJ, GMA News