Pilit na nagpapakatatag ang ina ng dalawang-taong-gulang na batang nasawi matapos makuryente sa extension wire nang maisaksak ang isang kutsara.
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," binalikan ni Eloisa Angara ang mga huling sandali ng kaniyang anak na si Jake na idineklara sa ospital na binawian ng buhay ilang sandali makaraang makuryente.
Ang kutsara na nakitang nakasaksak sa extension wire, napag-alaman na ginagamit din nilang pambukas sa sirang kandato ng pinto sa kanilang kuwarto.
Nang araw na maganap ang trahediya, nakalagay daw noon ang kutsura sa ilalim ng kanilang higaan at sandali niyang iniwan ang bata sa kuwarto.
Ilang saglit pa, nakarinig na sila ng putok dahil sa pagkakasaksak ng kobyertos sa extension wire.
"Ang tanong ko sa Diyos bakit? Bakit kailangang anak ko pa," naluluhang sambit ni Loisa. "Sobrang sakit. Hindi ko mapigilan yung sarili ko noon. Bakit mo naman kami iniwan, ang dami pa naman namin pangarap sa iyo, napakabata mo pa. Pero siguro, pinahiram ka lang talaga."
Nangyari ang trahediya ilang araw lang ang nakalilipas matapos magdiwang ng kaarawan si Jake.
May mensahe rin si Loisa sa mga bumabatikos sa kaniya sa sinapit ng anak.
"Hindi niyo alam kung gaano kasakit ang mawalan ng anak," saad niya. "Gusto namin maka-recover pero napakahirap. Hindi pa kami nabubuo sa puso namin na wala na siya."
Hindi raw lubos maisip ni Loisa na siya ang mahahatid sa kaniyang anak sa huling hantungan.
"Magpapakatatag kami, hindi kami susuko. Tuloy-tuloy lang kahit sobrang sakit," patuloy niya.
Ang naturang aksidente sa extension wire sa bahay at may batang nadisgrasya, nangyari na rin pala sa isa pang pamilya.
Sa kabutihang palad, nakaligtas ang bata bagaman nagtamo siya ng paso at sugat sa kamay matapos pumutok ang extension wire. Pero paano nga ba maiiwasan ang naturang aksidente sa tahanan? Panoorin ang payo ng eksperto sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News