Hindi kasalanan ang pagiging isang mayaman, ang kasalanan ay ang pagiging madamot at makasarili (Lk. 16:19-31) sa mga taong nangangailangan.
Wala sanang maghihirap kung marunong lamang magbigay ng tulong ang mga taong sobrang sagana sa buhay. Hindi naman kasalanan ang maging isang mayaman, ngunit kasalanan ang pagiging madamot sa kapuwa.
Mababasa natin sa Mabuting Balita (Lucas 16:19-31) ang kuwento tungkol sa isang lalaking mayaman at ang dukhang si Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan.
Nakahiga si Lazaro sa pintuan ng nasabing mayamang lalaki. Umaasa siya na maabutan man lamang siya ng tirang pagkain ng mayaman. Kahit siguro panis ay pagtitiyagaan na niya. Ang mahalaga ay malamnan ang kaniyang kumakalam na sikmura.
Ang lalaking mayaman ay sagana sa buhay. Ang lahat ng magagandang bagay ay nasa kaniya: may masasarap na pagkain, magagarang damit, magandang bahay at maraming salapi.
Sa madaling salita, siksik, liglig at umaapaw ang kaniyang biyaya. Samantalang si Lazaro ay salat sa buhay, naghihirap, at kahit man lamang maayos na damit ay wala siya.
Wala nang maaaring asahan si Lazaro kundi ang awa ng ating Panginoon Diyos. Kagaya ni Lazaro ang ilang sa atin na kasalukuyang naghihirap at naghihikahos sa buhay pero hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa.
Sapagkat nananalig sila na hindi sila pababayaan ng Panginoon. Dahil ipinangaral ni Hesus na, "Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos sapagkat kabilang sila sa kaharian ng Langit" (Mateo 5:3).
Kaya nang mamatay ang pulubing si Lazaro, siya ay dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham na tumutukoy sa kaharian ng Diyos.
Namatay din ang mayamang lalaki. Subalit hindi kagaya ni Lazaro, ang lalaking mayaman ay hindi makararating sa Langit. At hindi niya rin nadala sa kabilangbuhay ang mga bagay na ipinadamot niya.
Wala ring pangalan ang mayamang lalaki sapagkat higit na tumatak ang kaniyang karakter bilang mayamang nagdamot sa dukhang si Lazaro.
Samantalang hindi mahirap isalarawan ang mga kagaya ni Lazaro sapagkat makikita natin ang mga katulad niya saan man tayo tumingin. Mga pamilyang sa kalye o kariton nakatira, mga batang palaboy sa lansangan, matatandang iniwan ng kanilang pamilya, mga taong maysakit, at iba pang hikahos.
Nakalimutan nang lalaking mayaman na ang kaniyang kayamanan ay ipinagkatiwala lamang sa kaniya ng Panginoong Diyos at obligasyon niyang ibahagi ito sa kaniyang kapuwa, lalo na sa mga taong salat sa buhay.
Kaya naman hinatulan ng Diyos ang lalaking mayaman batay sa naging pagtrato niya sa kaniyang kapuwa. Dahil ayon sa Pagbasa sa Aklat ni San Mateo: "At sasabihin sa kanila ng Hari, Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, Ako ang inyong pinagkaitan" (Mateo 25:45).
Kaya inilagay siya ng Diyos sa dapat kalagyan ng mga taong kagaya niya na hindi marunong magbigay at tumulong sa kanilang kapuwa kahit nakikita ng dalawang mata nila ang paghihirap at paghihikahos ng kanilang kapuwa.
"Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid na tao ay pupunta sa buhay na walang hanggan" (Mateo 25:46).
Hindi mawawala ang agwat ng mga mahihirap at mayayaman kung patuloy na magiging maramot ng mga taong sagana at manghihinayang na ibahagi ang kanilang biyaya sa mga kagaya ni Lazaro na kailangan ng tulong upang makabangon din sa karukhaan.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nawa'y tulungan Niyo kaming maging bukas palad sa mga nangangailangan at huwag maging maramot. Nawa'y tumimo sa aming puso ang aral na itinuturo ng Ebanghelyo na huwag maging manhid sa mga taong nangangailangan. AMEN.
--FRJ, GMA News