Isang kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P6 milyon ang nabili umano ng mga operatiba ng pulis-Quezon City bago nila nakasagupa ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Commonwealth Avenue. Pero ang nabilhan umano ng shabu ng mga pulis, lumilitaw na "asset" o kasama pala ng PDEA.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng source na mayroong dalang marked money ang mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6, kaugnay sa isasagawang buy-bust operation na nangyari sa tapat ng isang fastfood restaurant.
Nagkakahaga umano ng P1 milyon ang dala ng mga pulis na tunay na pera na ipinatong sa iba pang pekeng pera.
Pero bigla na lang umanong nagkaputukan nang magkaabutan na at kaagad na nasawi ang dalawang pulis na nagpanggap na bibili ng droga.
Nang tumigil ang putukan, isang ahente rin ng PDEA at isang ang babae ang nasawi.
Ang naturang babaeng nasawi ang sinasabing nabilhan ng mga pulis ng droga, at lumitaw na "asset" o kasama ng PDEA.
Ayon sa source, hawak ng mga pulis ang nabiling shabu pero hindi niya matiyak kung nabawi ang buy-bust money.
Hindi rin makumpirma ng source kung alam ng mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation kung batid ba nila na "asset" ng PDEA ang kanilang katransaksiyon.
Hindi naman nagbigay ng komento ang PDEA tungkol sa impormasyon ng ibinigay ng source sa GMA News.
Ayon kay Derrick Carreon, tagapagsalita ng PDEA, hindi na muna sila magsasalita habang gumugulong ang imbestigasyon sa nangyari.
Sa hiwalay na report, sinabing napatigil lang daw sa lugar ng engkuwentro ang grupo ng PDEA dahil nasiraan sila ng sasakyan. (WATCH: Tropa ng PDEA, napatigil lang sa lugar ng engkuwentro dahil nasiraan ng sasakyan?)
Nagsimula raw ang putukan ng barilin ng mga nakasibilyang pulis ang kanilang asset. --FRJ, GMA News