Nahuli-cam ang mga tagpo sa unang bugso ng engkuwentro ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at mga pulis-Quezon City sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Ang tropa ng PDEA, napatigil lang daw sa lugar dahil nag-overheat ang sasakyan.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV ang puting kotse na sinasakyan ng PDEA na pumarada sa isang fastfood restaurant matapos mag-overheat dakong 5:00 pm.
Sa paunang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation, papunta raw sana sa operasyon sa Litex, Fairview ang grupo kasama ang iba pang tauhan ng PDEA na sakay ng puting van.
Hindi nagtagal, lumapit na sa puting kotse ang mga armadong lalaki at biglang binaril ang "asset" ng PDEA na nauwi na sa malapitang barilan.
Sandali raw tumigil ang putukan at dadalhin na sana ng PDEA ang mga sugatan nilang kasama sakay ng van nang muling magkaroon ng mga putukan.
Natuklasan kinalaunan na mga nakasilbyang pulis ng QC ang bumaril sa grupo ng PDEA.
Sa hiwalay na ulat ni Saleema Refran, ipinakita rin ang iba pang bagong video footage sa nangyaring engkuwento na umakyat na sa lima ang nasawi.
--FRJ, GMA News