Isa ang Kapuso comedy genius na si Michael V o Bitoy sa mga kilalang tagahanga ng "Voltes V." At ngayong muling mapapanood ang naturang palabas bilang live action series sa GMA-7, may mensahe siya mga basher.
Sa pinakabagong YouTube vlog ni Bitoy, inihayag ng komedyante na malaki ang sampalataya niya sa inaabangan series na "Voltes V: Legacy."
Pinasaringan niya ang mga nagmamaliit sa naturang proyekto.
“Doon sa mga nakapanood ng teaser ng 'Voltes V: Legacy,' huwag na kayo magpanggap na hindi kayo na-impress at hindi kayo na-excite," saad ni Michael V.
"May iba kasi naggagaling-galingan, kung anu-ano ang sinasabi. 'Dapat ganito, dapat ganun.' Naka! Wag ako," dagdag niya.
Inihayag ni Bitoy ang pananampalataya niya kay Direk Mark Reyes na namamahala sa Voltes V na inilarawan niyang isa ring "geek."
"Well, hindi naman ako magpapanggap na hindi mataas ang expectations ko, pero kampante naman ako, syempre, kilala ko naman si Direk Mark Reyes," anang aktor.
"Geek talaga 'yan and matagal niya nang pangarap 'yan and I'm sure grabe yung pressure sa buong production kaya advice ko lang for all the people involved is to really enjoy the opportunity," patuloy niya.
Ang “Voltes V: Legacy” ay pangungunahan nina Miguel Tanfelix bilang si Steve Armstrong; Ysabel Ortega bilang Jamie Robinson; Radson Flores bilang Mark Gordon; Matt Lozano bilang Robert "Big Bert" Armstrong, at Raphael Landicho ang bunso sa mga Armstrong brother na si "Little Jon." --FRJ, GMA News