Dapat na ating mga salita ay kailangang makita mismo sa ating mga ginagawa upang magsilbi tayong halimbawa sa ating kapuwa na mayroong kredibilidad (Mk. 1:21-28).
KAPAG ang isang taong nagsasalita ay mayroong kredibilidad asahan mo na maraming tao ang hahanga sa kaniya.
Hindi lamang iyan, magiging maganda at mabango ang kaniyang reputasyon sa harap ng mga taong nakasasalamuha niya dahil ang kaniyang sinasabi ay naipapakita nito sa kaniyang mga ikinikilos at ginagawa.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Marcos 1:21-28) tungkol sa pagtuturo ni Hesus sa Sinagoga nang mamangha ang maraming tao sa Kaniyang pagtuturo.
Winika ng mga nakarinig sa mga aral ni Kristo na Siya ay nangangaral nang may kapangyarihan o mayroong kredibilidad at hindi kagaya ng mga Eskriba.
Ipinakita lamang ng Panginoong Hesus na ang Kaniyang pangangaral sa bayan ng Cafarnaum ay totoo dahil Siya ay isinugo ng Kaniyang Amang nasa Langit para magsilbing liwanag at mabuting Pastol.
Ito ang pangunahing tungkulin na ini-atang sa Kaniya ng Diyos Ama. Ang Kaniyang pagtuturo ay nakatuon sa paghahanap ng mga nawawalang tupa para maibalik sa Kaniyang kawan at gamutin ang mga maysakit-- pisikal man o pang-espirituwal.
Itinuturo ni Hesus sa Pagbasa na kailangang makita sa ating mga gawa ang mga pangaral at magagandang salita na ibinabahagi natin sa ating kapuwa para tayo ay magkaroon ng kredibilidad o kanilang paniwalaan at sundin.
Una na rito ay ang pagsasabuhay natin sa ating mga pangaral. Dapat makita mismo sa ating pamumuhay ang mga itinuturo natin sa ating kapuwa sa pamamagitan ng pagiging isang mabuting halimbawa.
Dapat na ating mga salita ay kailangang makita mismo sa ating mga ginagawa.
Hindi katulad ng mga Eskriba o tagapagturo ng batas na ang kanilang mga pangaral ay hindi nila kayang patunayan at panindigan sa kanilang mga gawa. Sapagkat ang kanilang ipinapangaral ay paimbabaw lamang o pakitang-tao.
Kaya naman mababasa natin sa Ebanghelyo na labis na hinangaan ng mga tao si Hesus dahil nakikita sa Kaniyang mga gawa ang Kaniyang pangangaral.
Kung minsan, hindi maaaring paghiwalayin ang pangangaral sa pagkatao ng nagtuturo dahil kailangan suriin din ang kredibilidad ng taong nasa ating harapan para masabing may kabuluhan ang kaniyang mga sinasabi.
Sa Pagbasa, ipinapaliwanag na ang pangunahing layunin ng pagtuturo at pangangaral gaya ng gawain o Ministeryo ni Hesus ay upang maliwanagan ang isip ng mga taong nakikinig at hindi ang magyabang o maging tanyag.
Dapat sikapin natin na ang mga salitang mamumutawi sa ating bibig ay magsilbing mabisang paraan upang akayin ang ating mga kapatid na nasa maling direksiyon ng buhay.
Manalangin Tayo: Panginoong Jesus. Nawa'y magkaroon din kami ng kredibilidad gaya Mo upang magsilbi kaming liwanag para sa aming kapwa na nasa kadiliman at nalalabuan ng isip. Maging epektibo nawa ang aming mga salita para sila ay aming maakay sa tamang landas ng buhay. AMEN.
--FRJ, GMA News