Dahil sa alagang aso na si "Puti," nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang isang 21-anyos na lalaki na mahimbing na natutulog habang nasusunog ang kanilang bahay sa Agoo, La Union.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing dakong 8:00 am nitong Miyerkules nang masunog ang bahay nina Loreto Lloren sa Barangay San Julian East.
FINDING FUR BABIES: Si Bantay, Kailangan Ding Bantayan
Mag-isa lang si Lloren sa kanilang bahay nang mangyari ang sunog dahil nasa trabaho ang kaniyang mga magulang.
Sa gitna nang mahimbing niyang tulog, nagising si Lloren dahil sa walang tigil na pagtahol ni "Puti" sa labas ng kaniyang kuwarto.
Nang buksan ni Lloren ang pintuan, nakita niya si Puti na bakas umano ang pag-aalala at dinilaan siya nito. Doon na rin niya nalaman na nasusunog na ang kanilang bahay.
Kaagad na lumabas ang mag-amo at pareho silang nakaligtas.
Ayon kay Lloren, maaring namatay siya sa sunog kung hindi dahil sa kaniyang aso.
"Hindi ko po akalain na yung aso ko pala ang magliligtas sa akin," saad niya.
Mabilis naman tumawag ng tulong ang kamag-anak ni Lloren na katabi ng kanilang bahay kaya kaagad na nakaresponde ang mga bumbero at napatay ang apoy.
Gayunman, natupok ang bahay nina Lloren.
Patuloy naman na inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog pero nakasentro raw ang kanilang imbestigasyon sa kuwarto ng mag-asawa.--FRJ, GMA News