Sinimulan na ng China ang paggamit nila ng anal swab para sa mga taong isasailalim sa COVID-19 test.
Ayon sa Agence-France Presse, iniulat ng China state TV na mayroon umanong ilan na nag-aalinlangan sa naturang paraan ng pagkuha ng swab sample.
Pero sinasabi umano ng mga duktor na mas mabisa ang naturang sistema para makita ang virus.
Kabilang umano sa mga isinailalim sa anal swab ay ilang residente sa Beijing na nagpositibo sa COVID-19 at mga nasa quarantine facilities para masuring muli.
Sinasabi ng mga dalubhasa na mas epektibong makita kung talagang may virus ang isang tao kung sa puwit kukunin ang swab sample kaysa sa karaniwang sistema na throat at nose swab.
Mas tumatagal daw kasi ang virus sa puwit kaysa sa respiratory tract, ayon kay Li Tongzeng, senior doctor mula sa You'an Hospital sa Beijing, ayon sa CCTV.
Sa social media sa China na Weibo, magkakaiba ang pananawan ng netizen na may halong "kilabot" sa anal swab.
"So lucky I returned to China earlier," anang isang netizen.
"Low harm, but extreme humiliation," sabi ng isa pa.
Mayroon din mga nagbiro tungkol sa proseso.
"I've done two anal swabs, every time I did one I had to do a throat swab afterwards -- I was so scared the nurse would forget to use a new swab," biro ng Weibo user.
Gayunman, sinabi ng CCTV noong Linggo na hindi naman gagamitin sa pangkalahatan ang anal swab dahil "not convenient" ang naturang paraan.--AFP/FRJ, GMA News