Taong 1986 nang lumuwas sa Maynila mula sa Davao ang noo'y 19-anyos lang na si Lyka. Dahil sa walang mag-anak sa Maynila, napilitan si Lyka na pasukin ang iba't ibang trabaho para mabuhay--kabilang na ang pagbebenta ng aliw.

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilahad ni Lyka ang kaniyang naging buhay sa pagiging "Akyat-Barko," o babaeng umaakyat ng barko para magbigay ng panandaliang aliw sa mga tripolante na karamihan ay mga dayuhan.

Naging hanapbuhay ito ni Lyka sa loob ng 11 taon, na nagresulta ng pagkakabuntis niya ng anim na ulit na iba-iba ang lahi ng ama--tulad ng Russian, Indian, Pakistani, Arabo at Griyego.

Nagkaroon din siya ng anak sa Pinoy.

Sa kabila ng kaniyang kalagayan, pinili ni Lyka na huwag ipalaglag ang mga sanggol na kaniyang ipinagbuntis dahil batid niya na may buhay ang mga ito.

Bagaman itinuloy ni Lyka ang pagbubuntis, lahat naman ng mga ito ay kaniyang ipinaampon dahil sa kahirapan ng kaniyang buhay.

Naniniwala siyang mapapabuti ang buhay ng mga bata kapag lumaki sa pamilyang mas maayos ang buhay, bagay na ipinagpapasalamat din naman ng kaniyang anak na nakakasama niya.

Sa kaniyang walong anak, tanging may komunikasyon si Lyka sa kaniyang anak sa Russian at isang Pinoy.

Ang kaniyang anak sa Russian, nakahanap naman ng paraan upang mahanap ang isang kapatid na Pakistani ang ama.

Sa unang pagkakataon, makikita ni Lyka ang isa pa niyang anak na aminadong may tampo sa ginawa sa kaniya ng ina na ipinaampon siya.

Tunghayan ang pambihirang kuwento ng buhay ni Lyka, at nararapat pa nga bang makita ni Lyka ang iba pa niyang anak sa ibang lahi na kaniyang ipinaampon? Panoorin.


--FRJ, GMA News