Ipinakita ng asong si Boncuk ang katapatan sa kaniyang amo nang matiyaga siyang naghintay sa labas ng isang ospital sa Trabzon, Turkey kung saan isinugod ang kaniyang amo.
Sa ulat ng Reuters, sinabing dinala sa ospital si Cemal Senturk, 68-anyos dahil sa brain embolism noong Enero 14.
Siyam na taon na umanong alaga ni Cemal si Boncuk.
SPECIAL REPORT: Sana makita kang muli my missing fur baby
Inihayag naman sa ilang online news na sinundan ni Boncuk ang kanyang amo sa ospital na pinagdalhan dito.
Nang makita ng mga kaanak ni Cemal ang aso sa labas ng ospital, iniuwi nila ito. Pero bumalik din ang hayop sa ospital at naglagi na doon.
Nasa labas lang ng ospital si Boncuk at tinitingnan ang mga taong lalabas tuwing bumubukas ang pinto.
Binigyan din ng pagkain ng mga hospital staff ang aso.
Ayon kay Cemal, isinisigaw niya ang pangalan ng aso paminsan-minsan para mapalakas ang loob ng kaniyang alaga na naghihintay sa kaniya sa labas.
Sumasagot naman daw ang aso sa pamamagitan ng pagtahol.
Hindi naman nasayang ang paghihintay ni Boncuk dahil ligtas na nakalabas ng ospital ang kaniyang amo.
"She is very fond of me and i miss her constantly. Sometimes i call for her from the hospital window and it motivates her," sabi ni Cemal.-- Reuters/FRJ, GMA News