Ubo, lagnat, pagkawala ng pang-amoy at panlasa ang ilan sa mga sintomas ng COVID-19. Pero sa isang pag-aaral, lumilitaw na maaari din umanong makita sa mata kung tinamaan ng virus ang isang tao.
Sa ginawang pag-aaral ng British Medical Journal-Open Opthalmology, nagkakaroon umano ng problema sa mga mata ang mga tao na may COVID-19.
Sa GMA News "Unang Hirit" nitong Martes, ipinaliwanag ni Dr. Eric Tayag, Director ng Knowledge Management and Information ng Department of Health (DOH), na ilan sa mga epekto ng COVID-19 sa mata ay ang pagkasilaw, sore eyes at pangangati.
Pero batay sa (BMJ), mawawala rin ang problema sa mata ng mga COVID-19 patient sa loob ng dalawang linggo, at hindi na kailangan ng antibiotics dahil virus ang sanhi ng pamumula.
Binigyang diin ni Dr. Tayag na ang mga mata ay konektado sa baga, na kabilang sa mga inaatake ng virus at nagkaroon ng pneumonia ang pasyente.
"'Yung luha, sapagkat nakitaan sa isang study, nakita nila 'yung virus sa luha, kaya importante 'yung face shield kasi kapag tumalsik at may kasamang virus at tinamaan ang mata, yun ang maaaring maging entry ng virus sa katawan," ayon kay Dr. Tayag.
Gayunman, wala pang pag-aaral na mas mabilis na naipapasa ang COVID-19 sa mata.
Alamin sa video ang tips para mapalakas ang immune system laban sa COVID-19.
--FRJ, GMA News