Sa panahon ngayon ng pandemic, talagang bawal magkasakit. Kaya naman ipinapayo ng mga dalubhasa na ugaling kumain ng mga prutas na masustansiya at makatutulong para iwas-sakit. Ang ilan sa kanila, abot-kaya ng bulsa tulad ng chico at dalanghita.
Sa programang "Pinoy MD," sinabing ang dalanghita ay tinatawag din na mandarin orange o tangerine, na ang lasa ay nag-aagaw na tamis at asim.
Ayon kay Dr. Ma. Veritas Luna, Registered Nutritionist-Dietitian, Chancellor for Education, isang antioxidant ang dalanghita na nag-i-stimulate ng white blood cells para maging panlaban sa impeksiyon.
Mayaman din ang dalanghita sa potassium at Vitamin A, at mabuti rin sa mata.
Ang Chico naman na matamis ang lasa, mataas umano ang dietary fiber na tumutulong sa colon ng tao para iwas-cancer.
"Kung kayo ay hirap magdumi dahil kayo ay constipated, itong chico ay magaling na prutas para sa inyo," ani Luna.
Hitik din ng bitamina A at C ang chico na panlaban din sa free radical o sumisira sa cells na maaaring pagmulan ng sakit.
Hugis ng tila siniguelas pero may laman na parang mangga, hindi pangkaraniwan ang Manggwelas na mayaman sa Vitamin C, calcium at phosphorus.
Kinokontrol din nito ng mga antas ng cholesterol, at nakatutulong sa paggawa ng Red Blood Cells.
Kahawig naman ng atis o kaya puso ng tao ang Anonas, kaya kilala rin itong bullock's heart.
Matamis din sa Vitamin C ang Anonas, na nakatutulong para mapagaling ang mga maliliit na sugat, at Potassium na nakakapagbalanse ng electrolytes at tumutulong sa paggawa ng muscles.
Panoorin ang video at alamin ang mga puwedeng gawin sa mga nabanggit na prutas. --FRJ, GMA News