Isang ginang ang nawalan ng alahas at pambayad sana ng kuryente nang mabiktima siya ng "budol-budol" gang sa Cabuyao, Laguna.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing P4,500 na pambayad sana ng kuryente at hikaw na pamana pa ng ina ang nakuha sa biktimang si Honorata Dichoso, 58-anyos na labandera.
Kuwento ng biktima, papunta siya sa pagbabayaran ng kuryente nang may makasalubong siyang babae na nagtanong kung saan puwedeng magrenta ng truck.
Ituturo daw sana ni Dichoso ang babae sa iba pero nagpumilit daw ito at may isa pang babae na dumating.
“Sabi niya sa’kin, ‘Ay huwag po kayong ganyan ‘nay. Makipag-usap kayo sa’kin kasi tutulungan ko kayo, huwag kayong mag-alala. Sabi ko, ‘Hindi naman po sa ako’y nag-aano, e nagmamadali po kasi ako. Hinawakan na po niya ko sa balikat,’” anang biktima.
Nang ipasok siya sa nakatigil na kotse, mayroon daw siyang naamoy na nakakasulasok.
Napansin din daw niya na tila may baril ang lalaking drayber ng kotse.
“‘Patingin nga ng pera mo.’ ‘Yung yapos po niya sa’kin, bulong siya nang bulong sa tainga ko. Hindi ko maintindihan kung ano’ng sinasabi niya. E 'di inilahad ko naman po,” ayon kay Dichoso.
“Sabi niya sa’kin, ‘Ah, may pera ka pala ‘nay. Maganda ang hikaw mo ‘nay.’ Sabi ko ‘Ay hindi po, mana ko lang ‘yan sa nanay ko,’” patuloy pa ng ginang na natangayan din ng hikaw.
“Pamana pa po ‘yun ng nanay ko eh kaya medyo nasasaktan lang ang kalooban ko, dahil ‘yun na nga lang ang naging ano ko, nakuha pa po nila ‘yun. Masakit po. Hanggang ngayon ‘pag naiisip ko, ako’y nato-trauma,” sabi pa ni Dichoso.
Lumantad daw si Dichoso para mabigyan ng babala ang iba tungkol sa nangyari sa kaniya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at sinisikap na makilala ang mga salarin sa tulong ng CCTV footage na nakuhanan ang kotseng ginamit ng grupo.--FRJ, GMA News