Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na may nakuhang bodily fluids sa ikalawang awtopsiya na ginawa sa mga labi ni Christine Dacera. Ang naturang bodily fluids, 80 porsiyento umano ang maitutulong sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing isang source mula sa NBI ang nagsabing nasa 100 milliliters ng bodily fluids ang nakuha sa panibagong awtopsiya na ginawa sa General Santos City nitong Sabado.
Nagulat din umano ang NBI forensic investigative team nang may makita pa silang organ gayung naembalsamo na at naawtopsiya na ng pulisya ang bangkay ni Dacera.
Ang kuhang fluids at organ mula kay Dacera ay isasailalim sa mga pagsusuri upang makatulong sa imbestigasyon sa nangyaring pagkamatay ng dalaga noong Enero 1 sa isang hotel sa Makati.
“We have very interesting leads. We have very encouraging results. Kaya malaman kung [may] presence of alcohol, level of alcohol maybe, presence of illegal drugs,” ayon kay NBI deputy director Ferdinand Lavin.
“May crime. Let’s leave it at that. May crime dito,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng source na hinihintay ng NBI ang mga ginawang pagsusuri ng Makati Medical Center kung saan dinala si Dacera nang makitang hindi na humihinga sa bathtub ng hotel noong tanghali ng Enero 1.
Kasama rin sa mga sinusuri ang mga tissue samples at biological samples na nakita sa hotel.
Bagaman unang idineklara na aneurism ang ikinamatay ng dalaga, naniniwala ang pamilya Dacera na may foul play sa nangyari at pinagsamantalahan ang flight attendant.
Samantala, mga abogado lamang ng walo sa 11 respondents ang nagtungo sa tanggapan ng NBI nitong Lunes.
“We’re giving them their equal chance at the investigation level. If they ignore that… then whatever pieces of evidence we have at hand by the time we have concluded the investigation, then we will file the case if we see any violations,” ayon kay Lavin.
Nauna nang itinanggi ng apat sa mga nakasama ni Dacera sa hotel para magdiwang ng bagong taon na may krimen na naganap sa pagkamatay ng dalaga.--FRJ, GMA News