Sa kabila ng pagpapatuloy ng imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera, inilahad ng Philippine National Police (PNP) na case "solved" na ang krimen. Anu-ano nga ba ang mga pamantayan para masabing "solved" na ang isang kaso?
Sa Kapuso Sa Batas ng Unang Hirit, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na "solved" na ang isang kaso kung unang una, natukoy na ng pulisya ang mga talagang gumawa ng krimen.
Pangalawa ay kung meron nang sapat na ebidensya na maaaring gamitin para masabing ang mga akusado talaga ang gumawa ng krimen.
Pangatlo ay kung nasa kustodiya na ng pulisya ang mga offender, at kapag nasampahan na sila ng kaso. Gayunman, naisasampa lamang ang kaso kapag meron nang sapat na ebidensya laban sa mga akusado.
Ngunit sa kaso ni Dacera, hinihintay pa ang autopsy report.
"Medyo kakaiba na masasabing 'solved' at 'case closed' na kasi nga kung nag-aantay pa kasi ng further tests, further results, hindi mo masasabing case closed na kasi baka mag-iba ang ebidensya 'pag labas ng resulta na ito," ani Atty. Gaby.
"It would be safe to say that we need to wait for the completion of the evidence which would include the results," dagdag ni Atty. Gaby.
Matapos makatanggap ng ilang puna dahil sa pagdeklarang case "solved" na ang kaso ni Dacera, inilahad ng PNP ang pamantayan nito kung bakit nila ito nasabi.
1. The offender has been identified;
2. There is sufficient evidence to charge him;
3. The offender has been taken into custody; and
4. The offender has been charged before the prosecutor's office or court of appropriate jurisdiction.
Ayon sa PNP, present ang lahat ng apat na elemento sa kaso ni Dacera.
Samantala, ipinaliwanag din ni Atty. Gaby na may tatlong klase para masabing may partisipasyon sa krimen ang isang tao.
Una, ay kung ang tao ang talagang gumawa ng krimen. Pangalawa, ay kung siya ay isang kasabwat o "accomplice."
Pangatlo at ang pinakamababa ang mga "accessory to the crime" o hindi kasama sa paggawa ng krimen pero maaaring tumulong para matago ang krimen o mga tao na guilty sa paggawa ng krimen.
Panoorin ang buong talakayan sa usapin sa video.-- FRJ, GMA News