Malagim na krimen ang bumungad sa 2021 sa Makati City matapos matagpuan na walang buhay sa loob ng kuwarto ng isang hotel ang isang 23-anyos na flight attendant. Ang mga suspek, tinatayang nasa siyam hanggang 10 katao.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing tanghali noong Biyernes, Enero 1, 2021, nang makita ang katawan ng biktimang si Christine Dacera.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumilitaw na posibleng pinainom umano ng droga ang biktima at ginahasa.
Mayroon din mga sugat na nakita sa katawan ng biktima.
Napag-alaman din na hindi umano alam ng biktima na marami silang nasa hotel na tinatayang nasa siyam hanggang 10 suspek.
Dalawang kuwarto umano ang inupahan sa hotel kung saan nag-party ang mga suspek.
Sasampahan ng reklamong rape with homicide ang mga natukoy na suspek; tatlo sa kanila ang nadakip na.
Hawak na rin ng mga awtoridad ang CCTV footage ng hotel.
Sa hiwalay na ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing sa bathtub umano nakita si Dacera.
Nasa 11 katao ang suspek at isa sa kanila ang itinuturing na "primary" suspect.
Dinala pa siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival at unang lumilitaw na ruptured aortic aneurysm ang kaniyang ikinamatay.
Pero may pagdududa ang Makati police na may foul play sa nangyari.
“Meron siyang mga pasa, meron siyang mga contusions sa both knees and then meron siyang abrasions… pero isa lang ‘yun na mahaba. Meron definitely sexual contact,” ayon kay Makati police chief Police Colonel Harold Depositar.
May nakita umanong mga bote ng alak sa hotel dahil nagdaos doon ng party ang grupo.
Inaalam din ng mga awtoridad ang nakuha nilang impormasyon na mayroon inihalo sa inumin ng biktima.
May binitawang salita si Christine na tinanong itong kaibigan niya, sabi niya, ‘Parang may nilagay si name doon sa drinks ko kasi nag-iba ‘yung pakiramdam ko,’” dagdag ng opisyal.--FRJ, GMA News