Iwan na natin mga madidilim na pangyayari noong 2020 at tahakin ang landas ng liwanag patungo kay Jesus (Mt. 1:1-12).
Kapag tayo ay nasa kadiliman, ang una nating hinahanap ay ang liwanag.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Matthew 1:1-12) tungkol sa kuwento ng pagdalaw ng tatlong Haring Mago sa Ehipto upang hanapin ang liwanag ng tala na dala ng bagong silang na Messiyas, ang Panginoong Hesu-Kristo, ang Hari ng mga Hudio.
Maaaring hindi nababalutan ng dilim ang buhay ng tatlong Haring Mago na kilala din bilang tatlong Haring Pantas. Subalit hinahanap nila ang liwanag ng tala na nagmumula sa silangan para sambahin at luwalhatiin ang sanggol na magbibigay ng pag-asa sa bayan ng Israel.
Batay sa isinulat ng Propeta: "At ikaw, Bethlehem, lupa ng Judea ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Judea. Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno na mamamahala sa Aking bayang Israel".
Ang pagiging Hari ng ating Panginoong Jesus na pag-asa ng bayang Israel ay hindi isang Hari na mauupo sa Kaniyang trono para maghari at mamuno sa mga Israelita.
Kundi isang Hari na tutubos sa ating mga kasalanan at magsilbing liwanag at pag-asa para sa mga nanggigipuspos o mga taong nawalan na ng pag-asa sa buhay.
Katulad rin ba tayo ng tatlong Haring Mago na hinahanap din natin ang liwanag na dala ni Jesus?
Sapagkat matapos nilang matagpuan ang kinaroroonan ng sanggol na si Jesus, sila ay nagpatirapa, sumamba at niluwalhati ang dakilang anak ng Diyos.
Kapag matagpuan din natin ang liwanag na hatid ni Jesus, makakaramdam din tayo nang hindi maipaliwanag na kagalakan at kaliwanagan dahil magiging positibo ang ating pagtingin sa ating buhay.
Gaya ng tatlong Haring Pantas, matapos nilang lisanin ang lugar kinaroroonan ni Jesus, masaya silang nagbalik sa kanilang lugar na may baong pag-asa at nag-uumapaw na kaligayahan sa kanilang mga puso.
Ang taong namumuhay sa kadiliman at kawalang pag-asa ay nangangapa. Walang katiyakang naghihintay para sa kaniya at nasasabi na lamang sa kaniyang sarili: "Bahala na."
Pero ang taong nagtitiwala sa liwanag na ibinibigay ni Jesus tulad ng talang sinusundan ng tatlong Haring Mago ay nagbibigay ng liwanag sa madilim na parte ng ating buhay at nagbibigay din ng liwanag para huwag tayong maligaw.
Ang taong hinahanap ang liwanag ni Kristo ay hindi kailanman magsasabi ng: "Bahala na." Dahil naniniwala siya na kapag siya ay buong pusong nagtiwala sa Diyos, sasabihin niya sa kaniyang sarili: "May Pag-asa."
Ang mga nananatili at tatahakin ang liwanag ni Jesus ay hinding hindi maliligaw sa dilim. Ngayong 2021, nawa'y taglayin natin ang liwanag na hatid ni Kristo-Hesus na may dalang pag-asa.
Kung anoman ang mga madidilim na pangyayaring naganap noong nakaraang 2020, iwan na natin ito at malugod nating tanggapin ang liwanag na dala ni Jesus.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Jesus, nawa'y liwanagin mo po ang aming landas ngayong 2021 upang ang anomang madilim na bahagi na naganap noong 2020 ay hindi na muling maulit. At sa halip, nawa'y mapuno ng pag-asa ang aming buhay ngayong taon. AMEN.
--FRJ, GMA News