Sa pagsalubong sa Bagong Taon, hindi mawawala sa mga tao ang paghahanda ng masasarap na pagkain para sa masayang salu-salo ng pamilya. Ngunit mayroon bang mga pagkain na suwerte at malas sa pagsalubong sa 2021?
"Walang pagkain na malas. Lahat ng pagkain masuwerte. Kaya lang mayroon lang talaga tayong hinahanda kapag sinasalubong natin talaga ang Bagong Taon, 'yung tamang pagkain," paliwanag ng Feng Shui expert na si Master Ang sa GMA News "Unang Hirit."
Ayon kay Master Ang, hindi totoo na magiging "isang kayod, isang tuka" ang isang tao kapag kumain siya ng manok sa Bagong Taon.
"Ang manok kasi masikap, maagap at alerto sa buhay. Hindi naman talaga totoo na kapag kumain ka ng manok, mamalasin ka," sabi niya.
Masuwerte rin ang ham dahil ito ay matamis at hugis bilog, na kahugis ng barya.
Ayon pa kay Master Ang, maganda sa taong 2021 ang isda kaya maigi na pasingawan ito sa handaan.
At dahil nagkaroon ng pagsubok ang mga tao dahil sa COVID-19 pandemic, walang problema kung hindi man kumpleto ang 12 prutas na bilog.
"Kahit ilan pa 'yan, basta't may maihahanda kayo, kahit kaunti, okay lang," sabi ni Master Ang.
Pagdating naman sa mga damit, hindi mawawala ang polka dots na pinaniniwalaan sa Feng Shui na magdadala ng suwerte, at suwerte rin daw ang magsuot ng damit na kulay pula.
Payo ni Master Ang, magsikap pa rin kahit na may planong maglagay ng pera sa bulsa sa pasalubong sa Bagong Taon.
"Kasi kapag ang tao, naglalagay ng pera pero sugarol, don't expect na yayaman ka o don't expect na papasok ang suwerte. Kasi ang pera sa'yo [la]labas, kasi ang isip mo sugal agad," payo pa niya.--FRJ, GMA News