Maraming kabataan ang nasisira at namamatay ang kinabukasan (Mt. 2:13-18).
ANG kinabukasan ng ating bansa ay nakasalalay sa kamay ng ating mga kabataan. Kaya habang bata pa lamang ay hinuhubog na sila upang maging isang magandang huwaran. May mga kabataan na kinikilala at pinaparangalan sa iba't-ibang larangan dahil sa kanilang talento.
Subalit papaano kung may mga kabataan ang napapariwara dahil sa kapabayaan ng mga matatanda na dapat sana ay sila ang gumagabay sa kanila?
Sa Ebanghelyo (Matthew 2:13-18) ginugunita ang "The Holy Innocents" o mga inosenteng sanggol na walang awang pinapatay ni Haring Herodes mula dalawang-taon-gulang pababa dahil sa paghahanap niya sa bagong panganak na Tagapagligtas na si Jesus.
Galit na galit si Haring Herodes nang malaman niyang napaglalangan siya ng tatlong Haring Mago na dumalaw sa Jerusalem upang makita ang Mesiyas na si Jesus, ang kaisa-isang anak ng Diyos.
Kaya sa galit ni Herodes, ipinag-utos niya sa kaniyang mga alagad na ipapatay ang lahat ng mga sanggol na may ganoong edad batay sa panahong sinabi ng tatlong Haring Pantas.
Tumangis at dumanak ang dugo ng mga inosenteng sanggol sa Jerusalem bunsod ng kasakiman ni Haring Herodes sa kapangyarihan dahil inaakala niyang ang isinalang na Hari ng mga Judio na si Jesus ang Haring aagaw sa kaniyang trono.
Subalit ang pagka-Hari ni Jesus ay hindi isang hari na mauupo sa kapangyarihan kundi espirituwal na magliligtas sa mga naliligaw na tupa ng Israel.
Ito ay para tubusin tayo sa lahat ng ating mga kasalanan.
Sa ating Pagbasa, maraming inosenteng sanggol ang nasayang ang buhay dahil sa pagkagumon ni Herodes sa kapangyarihan at kaniyang sariling ambisyon.
Sa kasalukuyang panahon, maraming kabataan naman ang nabubuhay subalit namamatay naman ang kanilang kinabukasan dahil sa kawalang malasakit at kapabayaan ng mga nakakatandang dapat gumabay sa kanila.
May mga kabataang nakikita sa mga lansangan na palaboy-laboy, nasasangkot sa droga, gulo at mga ilegal at masamang gawain.
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na dapat tularan natin sina Jose at Maria na iningatan ang sanggol na si Jesus matapos magbigay ng babala at magpakita sa panaginip ang anghel kay Jose.
Kailangan nating ingatan at pangalagaan ang mga kabataan partikular na ang ating mga anak upang huwag silang mapahamak at hindi masayang ang kanilang buhay.
Manalangin Tayo: Panginoon, tulungan Mo po ang mga kabataan at gabayan upang magsilbing pag-asa at liwanag ng aming bayan. Nawa'y patnubayan Niyo po sila na mailayo sa anumang mga banta na maaaring sumira ng kanilang kinabukasan. AMEN.
--FRJ, GMA News