Si San Jose na asawa ni Maria ay hindi lang isang huwaran sa pagiging mabuting asawa at ama ng tahanan; matapang din niyang ginampanan ang responsibilidad na ibinigay sa kaniya ng Diyos (Mt. 1:18-25).
Sa kuwento ng kapanganakan ni Baby Jesus, hindi masyadong nabibigyan ng pansin ang pagiging mabuting asawa at ama ni Jose. Pero ang totoo, napalahalaga ng papel na kaniyang ginampanan para sa pagdating sa mundo ng Tagapagligtas ng sanlibutan.
Matapang at tapat niyang ginampanan ang ibinigay sa kaniyang responsibilidad ng Diyos. Sa Mabuting Balita ngayon (Mateo 1:18-25) pinatunayan ni Jose, ang tumayong ama ni Jesus, ang totoong karakter ng pagiging isang tunay na lalaki bilang asawa at ama.
Malalagay sa malaking kahihiyan si Maria kapag nalaman ng mga tao na buntis siya na walang ama ang sanggol sa kaniyang sinapupunan. Dahil ang sanggol na si Jesus na dinadala ni Maria ay nagmula sa Espiritu Santo.
Pero kahit batid ni Jose na hindi sa kaniya ang ipinagbubuntis ni Maria, hindi niya iniwanan ang kaniyang maybahay. Sa halip, inalalayan at kinalinga niya si Maria hanggang sa maisilang ang sanggol na si Jesus.
Kung tutuusin, puwede naman hindi panagutan ni Jose si Maria dahil hindi naman siya ang tunay na ama ni Jesus. Subalit hindi niya ito ginawa. Sa halip ay nanindigan si Jose para kay Maria at sa sanggol na nasa sinapupunan ng kaniyang maybahay.
Malayo sa karakter ng maraming lalaki ngayon na kahit batid nilang sila ang nakabuntis sa babae, gagawa pa ng dahilan para lamang hindi mapanagutan ang kanilang ginawa.
Sila ang mga ama na hindi katulad at hindi gumaya kay Jose. Mga ama na takot panindigan ang kanilang responsibilidad sa babae na kanilang inasawa at takot akuin ang responsibilidad bilang ama sa kanilang magiging anak.
Kaya may mga bata na lumalaking kulang aruga ng mga magulang dahil walang ama na nanindigan para sa kanila. Habang ang ina ang mag-isang binalakit ang responsibilidad na tinakasan ng lalaki.
Itinuturo ng Ebanghelyo ang paninindigan sa isang responsibilidad. Hindi lamang sa paghawak ng isang relasyon, kundi ang paninindigan sa isang responsibilidad na iniatang sa atin ng Diyos.
Tulad ni Jose, lahat tayo ay may kaniya-kaniyang responsibilidad na kailangang gampanan. Bilang isang magulang, ama, ina, kapatid, anak at asawa na ibinigay sa atin ng Diyos, kailangan natin itong gampanan tulad ng pagganap na ginawa ni Jose.
Mayroon sa atin na takot humawak ng responsibilidad kaya sila ay umiiwas. Pero hindi tayo kailangang matakot dahil hindi naman tayo pababayaan ng Diyos.
Katulad ni Jose, tinanggap niya ang kaniyang responsibilidad na alalayan si Maria hanggang sa pagsilang ni Jesus, at hindi siya pinabayaan ng Panginoon. Kaya sa sinumang lalaki o miyembro ng pamilya na nag-aalinlangan na gampanan ang tungkulin nila sa pamilya, tularan natin si Jose na nagtiwala sa utos at hindi siya pinabayaan ng Diyos.
Marahil kung hindi pinanindigan ni Jose sa kaniyang responsibilidad, hindi natin batid kung ano maaaring nangyari kina Maria at sa sanggol na Tagapaligtas na ating ginugunita na mga Kristiyano tuwing Pasko. AMEN.
--FRJ, GMA News