Mistulang naghasik ng "takot" sa ilang empleyado ng city hall sa isang bayan sa Navsehir, Turkey ang ginawang "pagsalakay" ng isang grupo ng mga kambing at tupa.
Sa video na Reuters, makikita na tila ang tupa ang namumuno sa grupo na kinabibilangan ng isang malaking kambing at tatlo pang batang kambing.
Umakyat pa sa hagdanan ng harapan ng city hall ang tupa at nanghabol ng tao.
May hinabol at sinuwag na tao rin ang tupa sa gilid ng gusali habang nakamasid sa kaniyang ang mga kambing na tila mga resbak.
Sa isa pang bahagi ng video, may pagkakataon na itinataboy sila ng isang lalaki pero napatakbo rin kinalaunan nang sugurin siya ng hayop.
Sa isang ulat naman ng metro.co.uk, sinabi ang mga hayop ay pag-aari ng magsasakang si Hasan Unbulan.
Nakatakas daw ang mga ito sa kanilang kulungan nang matumba ang bakod.
Ligtas naman na nahuli ng mga awtoridad ang mga hayop at kinalaunan ay buhay na inihatid kay Hasan.--FRJ, GMA News