Isang abogada ang binaril at napatay habang nasa loob ng kaniyang sasakyan nitong Huwebes ng hapon sa Danao City, Cebu. Ang biktima, sinabayan ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo.
Kinilala ng Integrated Bar of the Philippines' (IBP) Cebu City chapter ang biktima na si Atty. Baby Maria Concepcion Landero-Ole, na pinagbabaril sa Barangay Looc.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Bistak" nitong Huwebes, sinabing naganap ang krimen dakong 2:00 p.m.
Ayon sa mga awtoridad, idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabing sinundan ng mga salarin ang biktima at nang makakuha ng pagkakataon ay pinagbabaril na ito.
Patuloy ang imbestigasyon sa motibo sa krimen at susuriin ang mga CCTV na maaaring makatulong sa imbestigasyon.
Samantala, ikinaalarma ng IBP Cebu City ang sunod-sunod na pag-atake sa kanilang hanay.
"The alarming rate of lawyers being treacherously attacked is something that we cannot take just with a grain of salt," ayon sa pahayag ng IBP Cebu City.
Nitong lang nakaraang November 23, binaril at napatay si Atty. Joey Luis Wee sa labas ng kaniyang tanggapan sa Cebu City.
Isang suspek ang nadakip kamakailan ng mga awtoridad sa Laguna.
Nobyembre 17 naman nang barilin at mapatay din si Atty. Eric Jay Magcamit sa Palawan habang papunta sa pagdinig ng hinahawakang kaso.
Siyam na suspek naman ang nadakip sa kaso ni Magcamit, kabilang ang isang pulis.
"But let it be known that the IBP cannot remain as sitting ducks whilst our members are being killed in broad daylight. We must act against violence," ayon sa IBP-Cebu City.
"We have to instill in the culture of the IBP to be ready always and protect ourselves — be your own bodyguard. We need to know protocols of who to call or approach should danger arise. We need to spot 'lurking shadows' and report them immediately," dagdag nito.--FRJ, GMA News