Marami ang humahanga sa magandang mukha ni Mary Ann. Pero dahil sa maliit na bukol na tumubo sa gilid ng kaniyang ilong, ang kaniyang mukha, namaga at nagkaroon ng bukol.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," umiiyak na ikinuwento ni Mary Ann ang paghihirap na kaniyang nararamdaman dahil sa kalagayan ng kaniyang mukha.
Unang buwan pa lang daw ng kaniyang pagbubuntis noong Disyembre nang nakaraang taon nang may napansin siyang ga-munggong laki ng bukol sa gilid ng kaniyang ilong.
Pero pagsapit ng ikalawang buwan, unti-unti nang lumaki ang bukol hanggang sa magsimula nang mamaga ang kaniyang kaniyang mukha.
Dito pa lang nila ipinasuri ang kaniyang mukha pero hindi naman siya mapainom ng gamot dahil sa pangambang maapektuhan ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Dahil higit na mahalaga para kay Mary Ann ang kaniyang sanggol, tiniis niya ang kalagayan ng kaniyang mukha hanggang sa maapektuhan na rin ang kaniyang mga mata.
Lumapit din sila sa albulayo at gumamit ng mga dahon na itinatapal sa kaniyang mukha sa pag-asang maiibsan ang pamamaga pero wala ring nangyari.
Matapos ang siyam na buwan, nanganak na si Mary Ann at normal naman ang sanggol. Pero maisalba pa kaya ang kaniyang mukha? Panoorin ang video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News