Dahil sa kahirapan, napilitan si Mang Lito na ipambayad sa punerarya ang isa sa bagong silang niyang kambal nang biglang pumanaw ang kaniyang kabiyak noong 1998. Sa unang pagkakataon makaraan ang 22 taon, magkikita na rin sa wakas ang kambal at makikilala ng nawalay na kambal ang kaniyang ama.
Sa Cabanatuan, Nueva Ecija isinilang ang kambal na sina Shanthal at Diana Rose. Pero pagkaraan lang ng tatlong linggo, nagkaroon ng komplikasyon sa panganganak at pumanaw ang kanilang ina.
Nang panahong iyon, hindi pa nakababayad si Mang Lito sa bayarin sa ospital, kaya muli siyang nagkaproblema sa pambayad upang mailibing ang kaniyang asawa.
Hanggang sa nagpasya si Mang Lito na ang isa sa kambal na si Diana Rose ang ipambabayad na lang sa punerarya, na tinanggap naman ng may-ari na si Aling Tacing.
Pilit na kinalimutan na ni Mang Lito ang malungkot na bahaging iyon ng kaniyang buhay hanggang sa makarating sila ni Shanthal sa Surigado del Norte, at doon na nanirahan.
Hanggang sa kamakailan lang, si Shanthal, masinsinang tinanong ang ama kung totoo ang nadidinig niyang usap-usapan na mayroon siyang kakambal na ipinaampon.
Nang aminin na ito ng ama, sinubukan niyang hanapin ang kakambal na si Diana Rose sa social media pero nabigo siya. Kaya nagpadala siya ng mensahe sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" para magpatulong na mahanap ang kaniyang kakambal sa Cabanatuan.
Si Diana Rose naman, taong 2012 nang malaman na mayroon siyang kakambal nang ikuwento ito sa kaniya ng mga kaanak habang nakaburol ang kinikilala niyang ina na si Aling Tacing.
Plano sana ni Diana Rose, na magtatapos na sa kolehiyo, na simulan ang paghahanap sa kaniyang kakambal kapag naging stable na siya. Pero laking tuwa niya nang malaman na mayroong naghahanap sa kaniya.
Sa unang pagkakataon, magkikita sa pamamagitan ng video call ang kambal, at makikita na rin ni Diana Rose ang kaniyang amang ipinambayad siya sa ospital. Mapatawad niya kaya ang ama o kaniyang susumbatan? Panoorin ang nakaaantig na kuwento sa video na ito.
--FRJ GMA News