Hindi tayo dapat magsawa at hindi tayo dapat tumigil sa pananalangin (Lk. 18:1-8).
Naaalala ko noon na hindi pa ako nagsisilbi sa ating Panginoon, napakasipag kong magdasal at magsimba.
Kaya naman ako ganuong kasigasig ay dahil mayroon akong hinihiling sa Kaniya. Pero nang hindi ko makuha ang hinihiling ko sa Diyos, biglang nanamlay ang akong pananampalataya. Bigla akong nawalan ng gana.
Ang pananalangin sa Diyos, partikular na kung tayo ay mayroong hinihiling sa Panginoon ay kailangang maging matiyaga tayo. Matiyaga ang ating paghihintay at huwag tayong mawawalan ng pag-asa. May kasabihan nga: "Ang mainip ay talo".
Ganito ang mensahe na ating mababasa sa Mabuting Balita na (Lucas 18:1-8). Tungkol ito sa Talinghaga ng isang biyuda at ang hukom na ikinuwento ni Jesus sa Kaniyang mga Disipulo.
Nais ituro sa Pagbasa ang pananalangin Natin lagi, pagdarasal sa umaga, sa tanghali at sa gabi. At ang importante sa lahat, hindi tayo dapat panghinaan ng loob o mawawalan ng pag-asa.
Sa ating pananalangin, napaka-halaga ang pagpupursige dahil may ilan sa atin [na gaya ko] ang nawawalan ng pag-asa kapag nakikita nilang napakatagal na panahon na nilang nagdarasal pero hindi pa rin ipinagkakaloob ng Diyos ang kanilang hinihiling.
Maging aral sa atin ang kuwento sa Ebanghelyo tungkol sa babaeng biyuda na walang sawang nagpupunta sa masamang hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang iginagalang na tao.
Sa napakatagal na panahon na paroo't parito ang babaeng balo, sa wakas ay pinagbigyan din ng masamang hukom ang kahilingan ng biyuda.
Itinuturo ng Panginoong Jesus na kung ang isang masamang hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang iginagalang na tao ay nagawang ibigay ang hinihiling ng babaeng balo, gaano pa kaya ang Diyos para sa mga dumadalangin sa Kaniya araw at gabi.
Hindi tayo pagkakakitaan ng Diyos, ibibigay Niya ang ating kahilingan. Kailangan lamang natin na maging matiyaga at huwag magsasawang manalangin. Pero huwag namang umasa na kaagad-agad ay darating ang ating hiniling.
Alalahanin na ang kausap natin sa ating pananalangin ay ang Panginoong Diyos, hindi "juke box" na kapag naghulog ka ng barya ay tutugtog na agad ang pinili mong kanta.
Hindi Niya tayo bibiguin sa ating mga kahilingan. Subalit tandaan lamang natin na maaaring kaya hindi ibinigay ng Diyos ang ating kahilingan ay maaaring mayroon Siyang dahilan. Puwedeng makasasama para sa atin ang hinihiling natin sa Diyos at may iba Siyang plano para sa atin.
Sa halip na maghinanakit tayo sa Panginoon na parang mga batang paslit na hindi nakuha ang gusto, ang mainam na gawin ay magtiwala tayo sa Kaniya.
Pakatandaan na makuha man natin o hindi ang ating kahilingan sa Diyos, ang mahalaga ay mayroon tayong matatag na relasyon sa Panginoon. Sa hirap man o ginhawa ay kailangang tapat pa rin tayo sa Kaniya.
Dahil ang kapakanan at kung ano ang makakabuti para sa atin ang lagi niyang inuuna at pinahahalagahan.
PANALANGIN: Panginoon, turuan Niyo po kaming magtiwala sa inyo. At nawa"y ituro mo rin sa amin ang walang sawang pananalangin, makuha man namin o hindi ang aming mga kahilingan. Ang mahalaga Panginoon ay patatagin mo po ang aming pananampalataya namin sa Inyo. AMEN.
FRJ, GMA News