Marami ang tiyak naka-relate sa "kalbaryo" ilang bata sa viral video na naiyak na lang dahil nahihirapan silang isulat ang mahaba nilang pangalan. Ang isang bata pa nga, nag-request sa kaniyang mga magulang na palitan ng simpleng pangalan ang kaniyang pangalan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakilala ang limang-taong-gulang na si Grayven Thomas Valdez, na isa sa mga bata sa video na umiiyak dahil nahihirapan siyang isulat ang kaniyang pangalan.
Ang hiling niya sa kaniyang mga magulang, palitan sa city hall ang kaniyang pangalan ng simpleng “Boy Valdez.”
“Gusto ko na bawasan pangalan ko,” umiiyak na sabi ni Grayven sa viral video. “Gusto ko Boy Valdez. Mas madali na isulat ang Boy tapos Valdez. O madali lang ’yon.”
Alam naman ni Grayven na baybayin ang pangalan niya pero ibang usapan na kapag isinulat.
“Gusto pa nga pong magpasama sa city hall para palitan ’yong pangalan niya eh,” natatawang kuwento ni Ray Jay, ama ni Grayven.
Hindi rin nalalayo kay Grayven ang problema ng anim na taon na si Redge Wilslet Nicole Marcelo Timoteo, na nakita rin sa video na umiiyak dahil sa hirap siyang isulat ang kaniyang pangalan.
Kuwento ni Regine, ang ate ng bata ang nagbigay ng Redge Wilslet at sa kaniya naman nanggaling ang Nicole na gusto raw niya.– FRJ, GMA News