Isang 67-anyos na babae ang nawalan ng libo-libong halaga kamakailan matapos siyang lokohin umano ng isang nagpakilalang 66-anyos na retired US Army General. Ano nga ba ang kasong maaaring isampa sa mga nasa likod ng "love scam"?
Sa Kapuso sa Batas, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na maaaring magsampa ang mga nabiktima ng naturang scam ng kasong estafa o swindling, na binabanggit sa Article 315 ng Revised Penal Code.
BASAHIN: Babaeng nabiktima umano ng 'love scam,' 1 linggo nang naghihintay sa kaniyang 'bf' sa airport
Dagdag pa ng abogado, nasa ilalim ng estafa ang "false pretenses," tulad ng paggamit ng "fictitious names" o "fictitious transactions."
Kahit daw sa Amerika, ayon sa mga awtoridad doon ay nangunguna ang ganitong klase ng modus na ginagamit ng mga manloloko sa internet.
Kung gumamit ang suspek ng pangalan o reputasyon ng ibang tao, sinabi ni Atty. Gabi, na maaari din na sampahan ng kasong "identity theft" ang nasa likod ng modus bukod pa sa estafa.
Kung nakuha naman ng suspek ang pin code o account number ng mga biktima, maaari itong maging paglabag sa Access Devices Law.
Pero papaano naman kung lalabas na isang dayuhan ang nanloko sa isang biktima na nasa Pilipinas?
Ayon kay Atty. Gabi, mahirap nang habulin kung nasa ibang bansa ang scammer dahil sakop lamang sa teritoryo ng Pilipinas ang penal laws at ang kapangyarihan ng pulis.
Bukod dito, magastos ding makipag-ugnayan sa international police at mga abogado.
Kaya ang paalala niya, "prevention is key."
Tunghayan sa video sa itaas ang buong talakayan sa naturang usapin.--FRJ, GMA News