Ang Diyos ay hindi natin pisikal na makikita pero matatagpuan sa bawa't taong may puso at malasakit sa iba na gaya ni Kristo (Mt. 25:31-46).
May napanood akong panayam sa telebisyon tungkol sa isang taong hindi naniniwala sa Diyos.
Para sa kaniya, kung talaga raw na may Diyos, sana daw ay natuklasan o nakita na ng mga astronaut ang kalangitan kung saan naroroon ang Diyos. Kaya naninindigan siya na talagang walang Diyos.
Subalit ang Panginoong Diyos na lumikha sa mundo at sa lahat ng nilalang ay hindi talaga natin pisikal na mismong makikita at matatagpuan-- sa kalupaan man o kalangitan.
Dahil ang Diyos ay makikita at matatagpuan natin sa bawat taong may pusong gaya ng ating Panginoon na nakahandang magbigay at tumulong sa mga taong nagugutom, magpainom sa mga nauuhaw, magpatuloy sa mga walang matitirhan, at kumalinga sa mga may sakit, at bumisita sa mga bilanggo.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Mateo 25:31-46) tungkol sa kuwento ng "Ang Paghuhukom" kung saan tinipon at pinagbukud-bukud ng hari ang lahat ng tao.
Katulad nang ginagawa ng pastol sa mga tupa at kambing, inilagay niya sa kaniyang kanan ang mga tupa at ang mga kambing naman ay inilagay niya sa kaliwa.
Ang mga tupa ay makakapasok sa kaharian ng ating Panginoon dahil sa kabutihang ginawa nila sa kanilang kapwa na parang sa Diyos na rin nila ginawa.
"Tandaan niyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan."
Samantalang ang mga nasa kaliwa naman ay hindi makakapasok sa kaharian ng Panginoon dahil sa pagkakait nila ng tulong sa mga taong nangangailangan na parang sa Diyos na rin nila ginawa.
Kung ang pananaw ng iba ay walang Diyos, tayo naman ay naniniwala na mayroong Diyos na buhay na buhay sa pamamagitan ng mga taong nakahandang tumulong sa mga taong nangangailangan.
Sa oras na humarap na tayo sa Panginoon sa Kaniyang Kaharian gaya ng mababasa natin sa Ebanghelyo, hindi Niya itatanong kung ano ang mga nakamit natin sa buhay habang tayo ay nasa ibabaw ng lupa.
Hindi Niya itatanong kung may tinapos kang kurso o nagkamit ka ng karangalan sa pag-aaral, sa halip, ang itatanong ng Panginoong Diyos ay kung ano ang mga ginawa mo para matulungan ang mga taong naghihirap, nagugutom, nauuhaw, walang tahanan at iba pang nangangailangan ng kalinga.
Hindi naniniwala ang iba na may Diyos sapagkat may mga taong katulad ng nasa kaliwa bahagi ng hari sa ating Pagbasa na nagkait ng tulong at naging bulag sa mga pangangailangan ng kanilang kapwa.
Hindi nila ipinadama sa mga taong ito ang presensiya ng Diyos sa pamamagitan din nila. Hindi sila kumilos para maramdaman ng mga taong mahihirapan na may Diyos at maipadama sa kanila ang kabutihan ng Panginoon.
Ngayong panahon ng pandemiya at kalamidad na marami ang naapektuhan at naghihirap, kumilos ka ba kahit sa munting paraan upang maipakita sa kanila ang Diyos sa pamamagitan mo? Alin ka kaya sa kuwento-- ang tupa o ang kambing?
AMEN.
--FRJ, GMA News