Pinuna ng mga netizen ang ginawang paglalarawan sa isang module ng Department of Education (DepEd) tungkol sa pamilya ng isang magsasaka na iginuhit na gula-gulanit ang mga damit.
Bukod sa mga damit na sira-sira, may bata rin sa drawing na hubo't hubad.
"Ang mali po at ang nakakabahala ay ang unang larawan... Walang problema sa kwento, ang mali ay ang unang illustration at ang nag-approve niyan," ayon sa YouScooper na si Jenice Ramiro.
Naiparating na raw niya sa DepEd ang kaniyang reklamo tungkol sa hindi magandang pag-stereotype sa mga magsasaka.
Sa mga komento sa Facebook post ng GMA News tungkol sa larawan, maraming netizens ang nagpahayag na hindi dapat maliitin ang mga magsasaka.
Ang ibang nagkomento, sinabing hindi dapat kalimutan na nanggagaling sa mga magsasaka ang mga kinakain ng tao tulad ng bigas at mga gulay. --Jamil Santos/FRJ, GMA News