Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinungaling si Bise Presidente Leni Robredo dahil sa umano'y paghahanap sa kaniya noong nanalasa ang bagyong "Ulysses." May sagot naman ang pangalawang pangulo sa mga patutsada sa kaniya.

Sa televised address ni Duterte na ipinalabas nitong Martes ng gabi, ipinaliwanag ng pangulo na nasa online ASEAN Summit siya nang manalasa ang bagyo.

Nang gabi ng Biyernes nang maiulat ang paglubog ng Cagayan dahil sa pagbaha, abala si Robredo sa pakikipag-ugnayan sa militar para sa pag-rescue sa mga residenteng nasa bubungan ng mga bahay.

Mula nang manalasa si "Ulysses," walang pahayag si Robredo sa publiko tungkol sa paghahanap sa pangulo bagaman nag-trending sa social media ang #NasaanAngPangulo.

Ayon kay Duterte, si Robredo ang nagpasimula ng naturang #NasaanAngPangulo, na nag-trending din noong bagyong "Rolly."

Paliwanag ng pangulo, minomonitor niya ang sitwasyon sa epekto ng bagyo kahit dumadalo siya sa ASEAN Summit.

“I would go and whisper to the military guys in the room, how was it developing and what was the reaction of our government people there and the resources?” ani Duterte.

“Hindi mo na kailangan orderin ‘yan sila kasi two days before, deployed na ‘yan sila doon,” patuloy niya.

Ayon pa kay Duterte, nagbibigay ng utos umano si Robredo sa militar sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong "Ulysses."

Sa mga tweet ni Robredo, iniuugnay niya ang netizens na nangangailangan ng tulong sa rescue teams na nasa lugar.

Sabi ni Duterte, “You are presuming that I should be giving orders on the day of the storm. That is stupid… That is why you cannot be president. Mahina ka. You do not give orders on the day of the war, patay ka.”

Nagbabala rin si Duterte kay Robredo kapag tumakbong pangulo ang huli sa 2022 eleksiyon.

“Marami ako sabihin sa'yo. Reserba ko na lang. When you start your campaign, 'waswasan' kita. This is your nightmare,” banta ni Duterte na matatapos ang termino sa June 2022.

May pasaring pa si Duterte kay Robredo tungkol sa kung nasaan ang bise presidente tuwing gabi.

REAKSIYON NI VP

Sa kaniyang Twitter, nag-post si Robredo ng video ng mga tauhan ng kaniyang tanggapan ng nagre-repack ng mga relief goods para sa mga biktima ng bagyo.

“When a President is a misogynist, the conversation goes down to this level. Eto po ‘yung ginagawa namin gabi gabi, nagpupuyat ilang linggo na para, araw-araw, may madala lang na tulong sa mga nangangailangan,” saad ni Robredo

 

 

Sa iba pa niyang posts, naniniwala bise presidente na nabigyan na naman ng maling impormasyon si Duterte kaya "napikon" ito.

"I am also calling out whoever peddled the fake news to the President, kaya ganito siya ka pikon. I never said 'Where is the President?'  You can review all my tweets," saad ng opisyal.

Nauna nang pinuna ng kampo ni Robredo si chief presidential legal counsel Salvador Panelo dahil sa kasinungalingan nang sabihin daw ng huli na gumamit ang bise presidente ng C-130 plane ng militar nang magtungo sa Catanduanes.

Giit ni Robredo, ginagawa lang niya ang kaniyang tungkulin na tulungan ang mga taong nangangailangan sa panahon ng kalamidad.

"Marami sa inyo tumutulong sumagot sa mga umiiyak at humihingi ng tulong para ma rescue sa Cagayan at Isabela noong gabi ng Nov 13 hanggang sa madaling araw ng Nov 14.  I did what I felt was my job," sabi ni Robredo.

Aniya, ibinigay niya sa mga kinauukulang ahensiya tulad ng pulisya at militar ang mga natatanggap na impormasyon tungkol sa mga biktima ng bagyo na kailangang sagipin.

"Sa panahon ng matinding sakuna, dapat lahat na tulong, welcome. Hindi ito contest. Hindi tayo nag-uunahan. Lahat tayo dapat nagtutulong tulong para sa ating mga kababayan," patuloy ng bise presidente.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo na walang tigil sa trabaho ang pangalawang pangulo upang tulungan ang mga naging biktima ng bagyo "without fanfare, and with no concern for politics."

"It is unfortunate that a number of administration officials, and now even the President himself, are seemingly determined to make this national calamity yet another excuse to engage in another nasty round of politics as usual," sabi niya.

"The VP will not be dragged down to their level -- there is just too much work that still needs to be done, and too many people that can still be helped," dagdag ni Gutierrez.—FRJ, GMA News