Kung mahigpit ang batas ng tao, sa batas ng Diyos ay mas mahalaga ang awa sa mga nangangailangan (Lk. 14:1-6).
"Duralex Sed Lex". Iyan ay isang Latin dictum tungkol sa pagpapatupad ng batas na ang ibig sabihin: Ang batas gaano man kalupit ay batas na dapat sundin.
Sa Mabuting Balita (Luke 14:1-6), mababasa ang tungkol sa "Batas ng Sabbath" na pinaiiral ng mga matataas na Paring Hudio. Dito ay mahigpit na ipinagbabawal ang anumang gawain at pagtatrabaho sa araw ng pamamahinga o Sabbath.
Mababasa natin sa kuwento na inanyayahan si Jesus sa araw ng Sabbath ng isang pinuno ng mga Pharisees para kumain sa kaniyang bahay.
Subalit habang sila ay kumakain, lumapit kay Jesus ang isang lalaking namamanas ang mga braso at binti.
Tinanong ng Panginoon ang mga tagapagturo ng batas at mga Pharisees kung tama bang magpagaling o manggamot ng tao sa araw ng Sabbath, alinsunod sa itinatakda ng Jewish Law.
Gaano man kahigpit ang isang batas, kailangan pa rin magkaroon ng konsiderasyon. Ngunit hindi para konsintihin ang isang taong nagkasala kundi bigyan siya ng pagkakataon...gaya ng pagkakataong binibigay ng Diyos sa mga lumalabag sa Kaniyang batas.
Sa Ebanghelyo, alin bang batas ang dapat sundin? Ang batas ng mga Hudio na nagbabawal gumawa ng kabutihan sa araw ng Sabbath? O ang batas ng Diyos na magpakita ng pag-ibig at awa sa ating kapwa lalo na sa mismong araw ng Sabbath, tulad ng araw ng Linggo sa atin?
Hindi ba't sa mismong araw ng Linggo ay higit tayong dapat gumawa ng kabutihan? Dahil ito ang mismong araw ng Panginoong Diyos, ang araw na kailangan nating magpasalamat sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob Niya sa atin.
Ang batas na pinatutupad ng mga Hudio ay isang pagpapairal ng batas na walang konsiderasyon, walang pag-ibig sa kapwa at walang malasakit sa mga taong nangangailangan tulad ng lalaking minamanas na lumapit sa Panginoon.
Iba ang pananaw ng Panginoong Jesus sa pagpapatupad ng batas ng Sabbath. Sapagkat mas mahalaga pa rin sa Kaniya ang batas ng puso na kumakalinga sa mga taong nangangailangan ng habag at tulong.
Mahalaga pa ba ang pagpapatupad sa batas ng mga Hudyo kung kitang-kita na ng dalawang mong mata at nasa iyong harapan ang isang taong naghihikahos, naghihingalo at nangangailangan ng iyong tulong?
Sa batas ng tao, ang pinapairal ay "kamay na bakal" para sila ay disiplinahin. Pero sa batas ng Panginoon, ang umiiral ay puso na laging nakahandang umunawa at magmahal sa mga tao gaano man kabigat ang kasalanan Niya.
May ilan sa atin na gaya ng mga Hudyo ang nagpapataw ng pansariling batas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kondisyon bago nila tulungan ang isang taong lumapit sa kanila.
Kung ang mismong batas ng Diyos ang ipapatupad dito sa ibabaw ng lupa, sigurado na walang makaligtas at makakapasa. Dahil marami sa atin ang hindi makakarating sa Kaniyang kaharian bunsod ng pagiging makasarili at makasalanan natin.
Gayunman, sa batas ng Panginoong Diyos, ang lahat sa atin ay binibigyan ng una, pangalawa at maraming pagkakataon. Dahil hindi mahigpit at hindi mahirap sundin ang batas ng Diyos.
Dalawang utos lamang ito-- ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa.
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na mas pinahahalagahan ng Panginoon ang batas ng damdamin at pag-ibig sa kapwa kaysa sa mga batas na pinatutupad ng tao.
Ang mga batas ay binalangkas para maisa-ayos ang pamumuhay ng mga tao. Hindi ito binalangkas para supilin ang kanilang karapatan at mawalan ng kalayaan.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Diyos. Tulungan Niyo po kaming makasunod sa batas ng aming bansa upang kami ay maging isang mabuting mamamayan. Higit sa lahat ay tulungan Niyo rin po kami na makasunod sa Inyong mga batas upang kami ay maging isang mabuting Kristiyano nagmamahal at nagmamalasik sa aming kapwa. Amen.
--FRJ, GMA News