Para makita ang babaeng kaniyang minamahal na nakilala niya online, nagbisikleta ng 21 oras ang isang lalaki mula Cavite hanggang Pangasinan. Ang peligroso at nakapapagod na biyahe, sulit naman. Alamin kung bakit.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA Regional TV "Balitang Amianan," kinilala ang lalaking mangingibig na si John Paul Gatbonton, 23-anyos, at tubong-Nueva Ecija. Ang kaniya namang sinisinta, taga-Anda, Pangasinan na si Donna Ocomen, 21-anyos.
Nagtatrabaho si John Paul sa Cavite, at doon niya sinimulan na magbisikleta para makita si Donna.
Nagkakilala sina John Paul at Donna sa isang online group noong Enero, na nauwi sa panliligaw. Oktubre 10 sinimulan ni John Paul ang kaniyang biyahe sa Cavite hanggang Nueva Ecija, bago tumuloy sa Pangasinan.
Wala naman daw naging problema si John Paul sa mga nadaanang quarantine checkpoint dahil kompleto naman siya sa mga dokumento.
"Kasi po gusto ko po siya. Mahal ko po siya. Gusto ko po siyang makita. Tinangggap niya ako, inuunawa," sabi ni John Paul.
At matapos ang 21 oras na nakapapagod na biyahe kahit umuulan, narating ni John Paul ang Pangasinan.
"Sobrang masaya po kasi for the first time na-meet ko na po siya. Pero nu'ng papunta po siya dito sobrang kinakabahan po ako tsaka worried kasi umuulan po noon. Tapos hindi po siya nagcha-chat sa akin. Tapos bigla na lang po siyang dumating. Sobrang saya po," kuwento ni Donna.
Sabi naman ng binata, "Kasi po 'yun ang ginagamit ko sa trabaho, wala naman po akong motor. Nasiraan po ako pero okay lang naman po kasi may dala naman ako na pang-vulcanize."
Sa kanilang pagkikita, naging opisyal nang magkasintahan ang dalawa. Suportado naman ng pamilya ni Donna ang relasyon ng dalawa.
Naka-isolate muna sa bahay nina Donna si John Paul habang nakatira sa boarding house ang dalaga para sa kaniyang online class.
"After quarantine po niya mag-stay daw po siya dito ng one month pa. And uuwi po siya para maghanap ng trabaho. Samantalang ako po itutuloy ko po 'yung pag-aaral ko. Kasi mag-aral daw po muna ako sabi niya," sabi ni Donna.--FRJ, GMA News