Sugatan ang isang babaeng driver sa Pangasinan na nagpaparenta ng sasakyan para maghatid ng pasahero matapos siyang saksakin ng kaniyang sakay na isang menor de edad na babae na umano'y nakararanas ng depresyon.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Lea Codera, 30-anyos, ng Urdaneta City.
Nadakip naman ng mga awtoridad ang suspek na menor de edad at narekober ang patalim na sinasabing ginamit sa krimen.
Kuwento ng biktima, nagpa-book sa kaniya ang suspek at magpapahatid sa Novalichez.
Pero nang tagpuin na ng biktima ang suspek, nagsabi raw ito na susunduin nila ang isang kaibigan na tunay daw na nagpa-book sa kaniya.
Gayunman, umabot na umano sa 40 minuto ang kanilang pag-iikot pero hindi nila nakita ang sinasabing kaibigan ng suspek.
Nahihiya raw na nagsabi ang suspek na ibalik na lang siya at magbabayad na lang nang pang-gasolina.
Pero nang ibabalik na raw ng biktima ang dalagita, bigla itong bumunot ng patalim at inundayan na ng saksak ang biktima.
Nasalag naman ng biktima ang patalim pero nagtamo siya ng mga sugat sa kamay.
"Sabi ko, 'Maam 'wag, may pamilya ako, may dalawang anak ako," kuwento ng biktima.
Ayon naman sa ama ng suspek, dumadaan daw sa depresyon ang kaniyang anak.
"Nung tinanong kung bakit niya nagawa 'yon ang sabi niya sa akin hindi niya raw alam ang dahilan. Parang nawala raw yung isip niya," pahayag ng ama ng suspek.
Sa kabila nito, desidido naman ang biktima na sampahan ng kaso ang dalagitang suspek.
"Hindi po dahilan ang depresyon para pumatay ng tao. Kung nakikita niyo ho ako sumusugal ako from Manila papuntang probinsiya para kumita ng pera para sa pamilya ko, tapos ganun lang ang gagawin niya," hinanakit ng biktima.--FRJ, GMA News