Matuto sana tayong magpasalamat sa mga biyayang natatanggap mula sa Diyos sa halip na magreklamo at huwag mainggit sa ating kapwa (Mt. 20:1-16).
Nakalulungkot na sadyang may mga tao ang hindi marunong makuntento. Kahit nasa kanila na ang lahat, hindi pa rin sila masaya. Kinaiinggitan pa rin nila ang mga bagay na mayroon ang iba.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Matt. 20:1-16) tungkol sa kuwento ng mga tauhan sa ubasan.
Mababasa sa Ebanghelyo na ang lahat ng tao dito sa ibabaw ng mundo ay binibigyan ng pagkakataon ng Panginoong Diyos. Siya man ay masama o mabuting tao para gawin ang kaniyang tungkulin at obligasyon hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi para din sa kaniyang kapwa.
Walang pinipili o itinatangi ang Diyos dahil sa mata ng ating Panginoon, ang lahat ay pantay-pantay kaya walang maaaring maisumbat ang tao laban sa Diyos.
Sapagkat ang lahat ng kaniyang nilalang ay kaniyang biniyayaan. Ang lahat ay pinagkalooban niya ng pagpapala.
Subalit may ilan sa atin ang napakahilig ikumpara ang sarili sa iba. May ilan din ang naiinggit sa mga bagay na mayroon ang kanilang kapwa.
Ang pakiramdam nila, pinagdamutan at pinagkaitan sila ng Diyos dahil mas maganda at mahusay ang pag-aari ng iba kaysa sa kanila.
Gaya ng mababasa sa Mabuting Balita nang magreklamo ang mga tauhan sa ubasan. Sapagkat ang pakiramdam nila ay dinadaya sila ng may-ari.
Ganyan din ang ilan sa atin. Nagtatampo at kinukuwestiyon ang Panginoon kapag nakita nating mas maganda ang pag-aari ng iba kaysa sa atin. Ang pakiramdam din natin gaya ng mga tauhan sa kuwento, pinababayaan tayo ng Diyos.
Minsan, ang iniisip pa ng iba na may paborito ang Panginoon kaya mas maganda at mahusay ang biyayang ipinagkaloob Niya sa ating kapwa.
Ang nakalimutan natin, wala tayong karapatang kuwestiyunin ang pagpapasya ng ating Panginoon dahil mga anak lamang tayo. Kung tutuusin, hindi na obligasyon ng Diyos na magbigay ng bonus o blessings sa atin.
Ang problema kasi ng ilan sa atin, mahilig tayong makialam sa buhay ng ating kapwa. Hindi natin nakikita ang mga biyaya sa atin ni Lord dahil nakatutok ang atensiyon natin sa biyayang mayroon ang ibang tao.
Maraming biyaya ang dumating sa buhay natin mula sa ating Panginoon, subalit pinag-iinteresan pa natin ang pag-aari ng iba. Alalahanin natin na mabigat na kasalanan sa Diyos ang pagiging gahaman tulad ng ipinamalas ng mga tauhan sa ubasan.
Hindi na nga tayo marunong magpasalamat sa mga blessing ni Lord, nakukuha pa nating magreklamo.
Itinuturo sa atin ng pagbasa na maliit man o malaki ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos, dapat ay matuto tayong magpasalamat.
Panalangin: Panginoon, nawa'y matutunan po sana naming magpasalamat sa lahat ng mga biyaya na pinagkakoob po Ninyo sa amin. Matutunan po sana namin ang makuntento dahil hindi na mahalaga, kung maliit man o malaki ang mga biyayang ito. Ang importante, ito ay galing po sa Inyo. Amen.
--FRJ, GMA News