Isang librong pambata na may pamagat na “Ako ay May Titi,” ang nilimbag para turuan ang mga batang lalaki kung papaano nila dapat ingatan ang maselang bahagi ng kanilang katawan

Ayon sa publishing house na Lampara Books, ang libro ay isinulat Genaro R. Gojo Cruz at ang mga drawing ay gawa ni Beth Parrocha.

Matutulungan umano ng libro ang mga magulang na ipaliwanag sa kanilang mga anak na batang lalaki ang "sensitibong" tungkol sa ari.

“Ang mga bagay na hindi alam ng mga bata ay hindi nila mapahahalagahan at maiingatan,” saad ng Lampara sa kanilang Facebook page.

“Tulad ng mga mata na hindi dapat tusukin, at mga kamay na dapat laging hugasan, may mga iba pa tayong bahagi ng katawan na dapat kilalanin at bigyang pansin,” dagdag nito.

“Nakasanayan na kasi natin na mahiya sa usapin ng bahaging ito ng katawan pero paano malalaman ng mga batang lalaki ang pag-iingat sa kanilang titi kung hindi natin sila tuturuan,” paliwanag ng Lampara.

Nakatawag naman ng atensiyon ng netizen sa Facebook ang titulo at drawing sa pabalat ng libro. Mayroon na itong mahigit 9,000 share at halos 1,000 komento sa loob lang ng isang linggo.

Mabibili ang librong “Ako ay May Titi” sa Shopee sa halagang P95.

Pero kailangan sigurong maghintay muna dahil nitong Huwebes ng gabi, nakasaad sa Shopee na "sold out" na ito.

 


Marami naman sa mga nagkomentong nakabili ng libro na "educational" at "informative" ang naturang babasahin na makatutulong sa mga batang lalaki upang pangalagaan ang kanilang ari. — FRJ, GMA News