Buhay na muli ang pag-asang maging instant milyonaryo dahil sa darating na Agosto 4 ay magbabalik na ang lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa ulat ni Maki Pulido sa “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing aabot sa P304 milyon ang magiging jackpot prize para sa ultra lotto 6/58.
Ayon pa kay Royina Garma, general manager ng PCSO, ibabalik sa P20 ang presyo ng bawat taya mula sa dating P24.
“Ang good news pa rito is that from P24, ‘yong ticket magiging bente na ulit. Kaya mayroon kaming promo na balik-bente na ang lotto,” ani Garma.
Kasabay naman ng kanilang pagbabalik sa operasyon, magpapatupad pa rin daw ang PCSO ng mga pag-iingat sa proseso ng pagtaya dahil sa banta ng COVID-19.
Isa sa mga ipapatupad na pag-iingat ng PCSO ay ang pagsusuot ng face mask ng mga tataya, dapat din silang magdala ng sariling ballpen, pagsunod sa social distancing at ang pag-sanitize ng kamay.
Para naman sa lotto outlet operator na si Clarissa Tolete, nakahinga raw siya ng maluwag dahil sa patong-patong na raw ang kaniyang mga bayarin.
“Ang laki po talaga nang nawala sa aming kita. Ang ginawa ko po nag-online selling din ako ng mga plants,” ani Tolete.
Bukod sa mga outlet operator, nalugi rin daw mismo ang PCSO ng P9 bilyon dahil apat na buwan natigil ang kanilang operasyon.
Kahit pa magbubukas na sa Agosto, inaasahan pa rin ng PCSO na sa Disyembre o Enero pa sa susunod na taon maaabot ang datingnitong kinikita sa online lottery.
Samantala, P1.2 hanggang 1.5 bilyon naman daw ang nawala sa PCSO Charity Fund kaya nabawasan ang pondo para sa mga charity work ng ahensya.
“‘Yong institutionalized partnership namin. ‘yong funding namin na binibigay sa different charitable institutions, na-suspend po ‘yon,” ani Garma.
“‘Yong medicine donation program po namin, hindi naman na-suspend pero nabawasan, cinut [cut] namin into 50%. Endowment fund namin sa iba’t ibang hospital, na-suspend po ‘yon,” dagdag pa ni Garma.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News