Pumanaw na nitong Biyernes ang dating senador at aktor na si Ramon Revilla Sr., na nakilala sa kaniyang mga pelikula tungkol sa agimat.
Kinumpirma ni Senador Bong Revilla ang malungkot na balita sa video na ipinost niya sa Facebook dakong 5:00 pm.
"Wala na po ang tatay ko, please pray for him," sabi ng nagdadalamhating senador.
Ilang linggo nang nakaratay sa ospital ang 93-anyos na si Revilla Sr. matapos na isugod noong nakaraang buwan sa pagamutan dahil nahirapang huminga.
Makalipas ng ilang araw, sinabi ni Bong na bumuti ang kaniyang kondisyon ng kaniyang ama at hindi na kinailangang isailalim sa angioplasty at inalis na sa ventilator.
Pero nitong Huwebes, inihayag ng Bong na maselan pa rin ang kalagayan ng kaniyang ama at patuloy siyang humingi ng panalangin.
READ: Sen. Bong Revilla sa kalagayan ng kaniyang ama: 'Daddy is going through a rough time'
Bago nito, na-stroke si Revilla noong 2008, na nakaapekto sa kaniyang pagsasalita at naging dahilan ng kaniyang pagiging paralitiko.
Noong 2015, naospital din siya dahil sa severe sepsis secondary to pneumonia.
Noong Pebrero 2017, sumailalim siya sa “transarterial aortic valve replacement” surgery.
Unang sumabak sa pagtakbong senador si Revilla noong 1986 elections pero natalo nang gamitin niya sa pagkandidato ang tunay na pangalang Jose Baustista.
Nang muli siyang tumakbong senador noong 1992, ang pangalan na niya sa pelikula ang kaniyang ginamit at nagwagi.
Bilang senador, pinamunuan ni Ramos Sr., ang Senate Public Works Committee at naging may-akda ng Republic Act 8150, o Public Works and Highways Infrastructure Program Act of 1995.
Natapos ang dalawang termino niya bilang senador noong 2004.
Bago pumasok sa showbiz at pulitika, naging intelligence officer din muna sa Bureau of Customs si Don Ramon mula 1965 hanggang 1972.
Mula sa pagiging extra sa pelikula, naging bida at malaking pangalan sa Philippines movie industry si Ramon bilang isang action star.
Nakilala siya bilang si "Agimat" dahil sa mga pelikula niya na may kaugnayan sa mga karakter na may anting-anting.
Kabilang sa mga pelikulang ginawa niya na naging markado sa mga Pinoy ay ang “Nardong Putik” noong 1972, na naging daan ng kaniyang tuluyang pagsikat.
Nagtayo rin siya ng sariling film production house, ang “Imus Productions,” at ginawa ang mga pelikulang gaya ng “Pepeng Agimat. ” Ang “Hulihin si Tiyagong Akyat,” na nagpanalo sa kanya ng FAMAS Best Actor award noong 1973.
Kabilang pa sa mga pelikula na kaniyang ginawa na kasama ang tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino na si 'Da King' Fernando Poe, Jr., ay ang “Iyo ang Tondo, Kanya ang Cavite” noong 1986, at “Sierra Madre” noong 1981.
Taong 1979 nang makuha niya ang mga pagkilalang Most Outstanding Actor at Box Office King, at ibinigay rin sa kanya ng 33rd Catholic Mass Media Awards noong 2011 ang Lifetime Achievement Award.
Kilala rin si Revilla sa showbiz industry dahil sa dami ng kaniyang mga anak na pinaniniwalaang aabot sa 80.--FRJ, GMA News