Mula sa pagiging guro, napilitang magtinda ng tocino, tapa at iba pa via online si Sunshine Melorin matapos na magsara ang paaralan na kaniyang pinapasukan sa krisis na idinulot ng COVID-19. Ngayon, may bagong pag-asa siyang natatanaw.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing bumuhos ang tulong at mga positibong mensahe kay Melorin makaraang maitampok ang kaniyang kuwento ng pagbangon nitong Miyerkules.
Matapos kasing mawalan ng trabaho nang magsara ang kaniyang pinagtuturuan na private school, napilitan si Melorin na mag-online selling ng tocino, tapa, longganisa para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Bukod sa pinansiyal na tulong, may nag-alok din kay Melorin na muling magturo sa isang international school sa Maynila,
"Ang sarap po sa pakiramdam," ayon kay Melorin na nagsabing labis talaga siyang nalungkot dahil sa krisis na idinulot ng COVID-19.
"Talagang sobrang nalungkot po ako nung nagkaroon ng COVID kasi halos three to four months na po akong hindi nagtuturo. Hindi ko po talaga kayang hindi magtuto. Tapos hindi ko na nakikita yung mga students ko. Talagang nakakalungkot po," patuloy niya.
May nagbigay din ng tulong pinansiyal kay Melorin pero ilang beses daw niya itong tinanggihan. Pero sadya raw mapilit ang nagbibigay nito na si Car Infante, na dama rin daw ang pinagdadaanan ng guro.
Bumuhos din ang mensahe ng suporta kay Melorin kaya labis-labis ang kaniyang pasasalamat.
"Maraming maraming salamat po sa mga nagbibigay po ng mga suporta, sa mga tumutulong din po. Kasi hindi po talaga biro ang yung kinakaharap po natin ngayon," saad niya. "Hindi rin lang po teachers yung nahihirapan sa ngayon, marami po talagang nawalan ng trabaho. Ang maganda po talaga ay magtulungan lang po tayo." --FRJ, GMA News