Makalipas ang walong taon, ngayon lang uli nagkaroon ng balita tungkol sa pambihirang "golden bangus" na makikita sa isang palaisdaan sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni Kim Guevarra sa RGMA-Balitang Amianan, sinabing ang bangus na may matingkad na dilaw ang kaliskis ay pag-aari ng pamilya Rommel Felomino.
Ayon kay Rommel, nakita na lang nila ang golden bangus matapos silang maglagay ng fingerlings sa palaisdaan noong nakaraang taon.
"Nung nag-rent kami ng fishpond last year naglagay kami ng fingerlings po. Nung nagpapakain po kami bigla na lang pong lumitaw 'yan [golden bangus], inalagaan namin hanggang sa lumaki," pahayag ni Rommel sa GMA News Online.
Mula noon, nagsisilbi na umanong lucky charm sa palaisdaan nila ang kakaibang isda.
Para maalagaan umano nang husto, mapag-aralan at maparami, ibibigay nina Rommel ang golden bangus sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)
"Pag lumaki naman iyon hindi naman namin pakikinabangan kung hindi naman mangingitlog dito sa fishpond. Parang lucky charm lang po namin," sabi niya.
"Iti-turnover namin sa [BFAR] para ma-experiment para mapadami yung bangus na golden,"dagdag niya.
Taong 2012 nang ibigay din sa BFAR ng isang pangingisda sa Binmaley, Pangasinan ang nakita niyang golden bangus.
Pero namatay ang pambihirang bangus kinalaunan.
"Very rare 'yan [golden bangus], bihirang lumabas," sabi ni Dr. Westly Rosario, hepe ng BFAR-NIFTDC.
"Isa sa pinakamadaling ma-stress na isda ay bangus. During that time talagang very excited lahat," kuwento ng opisyal.
Para hindi ma-stress ang bagong golden bangus na ipagkakatiwala sa BFAR, sinabi ni Rosario na magkakaroon ito ng distansiya mula sa mga tao na nais makita ang kakaibang isda.
Dati nang ipinaliwanag ng BFAR na posibleng nagkaroon ng abnormality sa pigmentation ng isda kaya nagkulay ginto ang kaliskis nito.--FRJ, GMA News