Nabulabog ang mga payapang nagmamartsa sa isang highway sa Minneapolis, USA kaugnay sa pagkamatay ni George Floyd, biglang dumating ang humahararot na isang tanker truck papunta sa kanilang hanay.
Sa video na naka-post sa Twitter ng Reuters, makikitang tila tubig na nahati sa gitna ang hanay ng mga nagpoprotesta nang makita nilang paparating ang truck na malakas umano ang busina.
Sa hindi pa malamang dahilan, tumigil ang truck at doon na sinugod ng mga tao ang driver.
A tanker truck drove into thousands of people marching on a Minneapolis highway. Protesters pulled the driver from the cab and beat him https://t.co/4LLbkxbFRd pic.twitter.com/XuMpOSYRXS
— Reuters (@Reuters) June 1, 2020
Nagtamo ng bahagyang sugat ang driver na inaresto ng mga awtoridad.
Wala namang nasugatan sa hanay ng mga nagpoprotesta, ayon sa isang testigo, sa tweet ng Minnesota Department of Public Security (MNDPS).
“Very disturbing actions by a truck driver on I-35W, inciting a crowd of peaceful demonstrators,” ayon sa MNDPS.
Sa news conference, sinabi ni Minnesota Governor Tim Walz, na inaalam pa ang motibo ng driver ng truck.
“The incident just underscores the volatile situation we have out there,” saad niya.
Patuloy ang imbestigasyon ng Minnesota State Patrol at Minnesota Bureau of Criminal Apprehension sa insidente na itinuturing na isang "criminal matter."
Sumiklab ang mga protesta sa iba't ibang bahagi ng Amerika dahil sa pagkamatay ng black American na si Floyd, matapos na arestuhin at luhuran sa leeg ng mga puting Amerikanong pulis. --Reuters/FRJ, GMA News