Matapos maiulat kamakailan ang isang maawaing pulis na sa halip na tiketan ay binigyan niya ng $100 ang isang working student na food delivery rider na kaniyang sinita sa Maynila, ngayon, ang pulis naman ang nakatanggap ng biyaya mula sa isang tao na humanga sa kaniyang ginawa pero pinakaba muna siya ng kaniyang hepe.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News"24 Oras" nitong Martes, ipinatawag ni Police Major Ronaldo Santiago, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), sa kaniyang opisina ang good samaritan cop na si Corporal Jonjon Nacino, para kunwaring pagpapaliwanagin sa isang reklamo laban sa kaniya.

Nasa duty noon sa labas si Nacino kaya wala siyang kamalay-malay sa sorpresang nakahanda sa kaniya.

Pagdating sa himpilan, tinanong ni Santiago si Nacino kung may naaalala itong nagawang pagkakamali sa trabaho habang iniaabot ang isang envelop na pinabubuksan sa kaniya.

Nang makita ni Nacino ang laman ng envelop, nakita niya ang P100,000 na bigay ng isang hindi nagpakilalang donor.

Matatandaan na nag-viral kamakailan si Nacino nang ikuwento sa social media ng working student na food delivery rider na si Joshua Basa, ang pambihirang karanasan niya noong Mayo 16.

Sinabi ni Basa na sinita siya ni Nacino sa isang check-point sa España Boulevard, Manila, dahil sa paglilipat-lipat niya ng linya sa kalsada.

Pero nang ipaliwanag daw ni Basa ang kaniyang kalagayan habang naiiyak, hindi na siya tinekitan ni Nacino at inabutan pa ng pera na hindi niya kaagad napansin na $100.

Sinabi noon ni Nacino na sadyang itinatabi lang niya sa wallet ang naturang dolyares at ibinigay niya kay Basa para magamit nito sa pag-aaral.

"Hindi ko po talaga mabigay ang lisensiya ko kasi nanghihinayang ako sa perang ipangtutubos ko. Yung araw ko talaga hindi maganda sa mga na-experience ko sa mga naideliber ko nung araw na yon sa mga kostumer," kuwento noon ni Basa.

Samantala, labis naman ngayon ang tuwa ni Nacino sa hindi inasahang malaking biyaya na tamang-tama raw daw ilalaan niya sa panganganak ng kaniyang asawa.

"Sa pagpapaanak po ngayon ng misis ko. Buntis po kasi ngayon. Hindi na po mamoroblema sa pagpapaanak," ani Nacino .

Tumangging magpakilala ng donor na nagbigay ng P100,000 na humanga lang umano sa ipinakitang malasakit ni Nacino sa estudyante.

Labis din na natutuwa si Santiago sa ginawa ni Nacino.

"Imbis na itago na lang niya 'yung sariling pera niya sa mga anak, asawa niya, itinulong pa niya sa estudyanteng mas nangangailangan ng tulong," anang opisyal.

"Proud ako sayo, talaga, sana dumami ka pa," dagdag nito. --FRJ, GMA News